IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MAKASALANAN OO, BUGOK HINDI!
Hindi ko alam kung ilan ang mga santo sa mundo natin ngayon?
Ang tunay na santo ay hindi alam na siya ay banal na; at kung may hinala man siya, itatago niya ito sa iba.
Pero sigurado akong maraming makasalanan sa paligid natin; at unang-una na… (tada!) iyong nasa puso ko!
Dalawa daw ang klase ng makasalanan sa mundo ngayon – ang bugok at ang simpleng makasalanan.
Ang bugok na makasalanan, alam niya ang kanyang kalagayan… at humihinto na siya doon. Walang planong magbago.
Wala ring pagnanasang maging iba pa ang landas ng buhay kasi feeling niya wala na siyang pag-asa.
Kahit sa Diyos, ang bugok na makasalanan ay naniniwalang walang kapangyarihan, kahit mula pa sa langit, ang makatutulong sa kanya.
Kaya mula sa makasalanan nagiging bugok na siya; mula sira nagiging agnas na; mula sa nangangamoy nagiging mabantot na talaga. Kaya nga bugok e! Parang itlog na bugok; puti ang labas pero bulok sa loob at mabaho pa!
Ang simpleng makasalanan din alam niyang masama siya, tulad ni Zacheo sa ebanghelyo ngayon (Lk. 19).
He siya makapagtago sa iba dahil alam nilang makasalanan nga siya.
Pero ang simpleng makasalanan ay may pusong bukas, kahit kaunti man, sa pagkakataong magbago pa.
Kaya nga naghintay si Zacheo sa ibabaw ng puno sa pagdaan ni Hesus. Kaya nga binuksan niya ang kanyang bahay nang dumalaw si Hesus sa kanila.
Kaya mabilis niyang iniwang ang kayamanan upang sundan ang Panginoon.
Ang simpleng makasalanan ay nalulugmok maraming beses bawat araw… pero tumatayo din nang ganun karaming beses araw-araw.
Makasalanan oo, pero sa puso niya may pananalig na sasaluhin siya ng Diyos.
May pag-asa pa siyang pagagalingin ng Panginoon ang kanyang mga sugat.
Nararamdaman niyang mahal siya ng Diyos at nais niya ring ibalik ang pagmamahal na ito – kahit unti-unti at dahan-dahan man lamang.
Ang simpleng makasalanan ang nagiging santo! Bakit?
Dahil nasa piling siya ng marami pang tulad niya. Nariyan nga si Zacheo, si San Pedro, San Agustin… at marami pang iba na nagsimula din mula sa ilalim.
Takot tayo minsan na ituring ang sarili na makasalanan.
Tumatanggi tayong tingnan ang ating kahinaan at wasak na kalagayan dahil akala natin ay itatakwil tayo ng Panginoon kapag masama tayo.
Hindi natin matanggap ang sarili natin.
Pero walang masamang maging isang simpleng makasalanan. Ang mapanganib ay maging isang bugok na makasalanan.
Alin sa dalawa ang gusto mo para sa sarili mo?
–>