KRISTONG HARI, K
BALIGTAD NA KAHARIAN
Hindi na-gets ng mga pinuno: “kung ikaw ang Kristo, iligtas mo ang sarili mo!”
… dahil ang Kristo ay matapang, malakas at magiting sa paglupig sa kaaway.
Hindi rin na-gets ng mga sundalo: “kung Hari ka ng mga Hudyo, bumaba ka diyan!”
… dahil narinig nila ang mga milagro at pangaral at kapangyarihan mo.
Pati ang isang nakapako doon ay hindi rin na-gets ang lahat: “iligtas mo ang sarili mo, pati na ako!”
…ang tanging pakay lang naman niya ay pagtakas, pasarap, paglaya mula sa hirap.
Ganito pa rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos ngayon:
…Makapangyarihang Diyos laban sa mga virus, bagyo, lindol at giyera sa mundo.
…Mapaghimalang Diyos na nagpapalit ng sarap sa pait, ng halakhak sa luha.
…Masaganang Diyos na umaapaw ang dalang pera, negosyo, bahay, trabaho at tagumpay.
Kung hindi rin lang ito ang Diyos na makikita natin, e siguro, walang Diyos!
Nangaral si Hesus ng isang Kaharian at isinaboy niya ang binhi nito sa mga lansangan at palengke ng bayan
Sa mga taong mahihirap, maysakit, at itinaboy ng lipunan.
Sinabi niyang ang Kaharian ay tungkol sa paglilingkod at hindi sa pagsupil ng iba;
Na lumalago itong dahan-dahan at hindi biglaan sa tulong ng magic formula;
Na may dala itong kapayapaan at kagalakan na hindi makukuha sa materyal na bagay;
Na pangako nito ang kaligtasan, subalit sa pamamagitan lamang
…ng pagtitiyaga at pananampalataya sa Diyos,
…at madalas sa gitna ng sakripisyo at ng pagdurusa pa…
Sa wakas, natuklasan ng isang kriminal ang Kaharian.
Habang nakatingin siya kay Hesus, nakita niya ang kabutihan, pagmamahal at habag sa kanyang mukha – “wala siyang ginawang anumang masama.”
Natagpuan niya kay Hesus ang tanda ng tunay na Hari: “alalahanin mo po ako sa iyong kaharian.”
At dinala siya ni Hesus sa kaharian ng langit noong oras ding iyon.
Ano ang kahariang pinagkaka-abalahan ng marami ngayon?
…May mga taong nag-aaway tungkol sa pera at mana hanggang makalimutan na ang paggalang sa isa’t-isa.
…May mga magulang na subsob sa trabaho at walang panahon sa problema ng anak.
…May mga taong nais umangat sa buhay kahit matapakan ang kapwa nila.
Hindi nila matatagpuan ang Kaharian ng Diyos, ang Kaharian ni Hesus, dahil ang Kaharian ay
nasa ibaba,
nasa puso,
nasa simpleng bagay,
nasa mga lugar na karaniwang hindi napapansin;
dahil binago ni Hesus ang mga bagay-bagay at binaligtad niya ang ating mga inaasahan.
Hinahanap mo ba ang Kaharian sa direksyong itinuro ng Panginoon?
(paki-share sa kaibigan)