IKA-ANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
Isa sa mga hirap tayong gawin bilang Pinoy ay sumunod sa mga utos o batas. Halimbawa:
– Mga drayber na away magbigayan sa kalsada
– Mga tinderong sinasakop ang mga daang tao
– Mga bakwit ng Taal volcano na nagpupumilit bumalik sa danger zone
– Mga basurang iniiwan pagkatapos ng prusisyon ng Nazareno sa Quiapo
Kapag may batas, may utos, may direktiba – tiyak aalma na tayo diyan agad!
Maaaring sumusunod din naman pero dahil takot kay Duterte o kay Yorme, o dahil nakikisama, o kaya nakaugalian na; pero sa puso, galit at ngitngit naman. Kung pwede lang huwag sumunod, gagawin na.
Pero eto, dalhin mo ang Pinoy sa ibang bansa at biglang nagbabago. Halimbawa:
– Sa Saudi, matitinong susunod sa batas ng mga Muslim
– Sa Amerika, maingat at maayos mag-drive
– Sa Italy, Pulido ang trabaho, the best!
– Ang mga seamen natin, sanay makisama kahit kaninong lahi
Sa kaisipang Kristiyano, lalo na sa mga Katoliko at Protestante, pag batas o utos ay laging nakikita bilang pabigat, killjoy, sagabal sa kalayaan, sa pagkukusa, sa kapakanan at sa ginhawa.
Habang lumalaki tayo sa ating pananampalataya, ang dami kasing “dapat ganito” o “huwag dapat ganun” na ating minamana at kung may pagkakataon, bigla nating isinasantabi mula sa ating buhay.
Pero paano kung uunawain natin ang mga batas o utos ng Diyos at ng pamayanan ng pananampalataya tulad ng paliwanag sa unang pagbasa ngayon (Sir 15: 15-20)?
– Sabi dito ang mga kautusan ng Diyos ay para sa kaligtasan, hindi pang-aalipin
– Ang pagsunod sa mga ito ay landas sa buhay, kabutihan, galak, kapayapaan
– Naroon ang Panginoon sa piling ng mga nagpaparangal sa kanyang mga utos
Ganito marahil ang nagaganap sa mga Pinoy na naga-abroad. Nare-realize nilang ang mga tao doon ay magalang sa batas o kautusan dahil batid nilang ito ay para sa kanilang kabutihan, at ang pagsunod dito ay nagbubunga din ng mabuti sa kapwa at sa buong lipunan.
Minsan sa Amerika, napansin kong biglang gumilid ang kotseng minamaneho ng aking kaibigan nang marinig niya ang sirena ng ambulansya.
Tinanong ko siya kung bakit ang bilis ng kanyang kilos at sabi niya: Kasi ang turo dito sa amin ay baka kapamilya mo ang laman ng ambulansya. Di mo alam, di ba, na siya pala ang inililigtas sa panahong iyon.
E tingnan natin kung paano ginigitgit pa sa atin ang daanan ng ambulansya o nakikipag-karera pa tayo sa ambulansya para makadaan sa espasyong ibinigay dito!
Halimbawa pa ang pagputok ng Taal volcano kung saan nagtago ng mga supplies ng face masks ang mga tindahan at tinaasan pa ang presyo para lalong kumita.
Naghihirap na ang mga tao pero ang unang iniisip ng iba ay kita kaysa awa sa kapwa!
Sa Japan, noong may trahedya, ibinaba pa ng mga tindahan ang presyo ng mga kailangang gamit para makatulong sa mga na-apektuhan at bilang tanda ng pakikiramay sa naghihirap. Tila mas kamukha ni Kristo sila kahit hindi sila Kristiyano!
Ang pagbasa ni Sirac ay tawag sa atin na ituring ang mga utos ng Diyos hindi bilang panlabas na iniatang sa atin kundi mismong galing sa ating puso, bumubulwak sa ating kaibuturan, at may halaga sa ating relasyon sa Diyos at sa kapwa.
Ganito ang tingin ng mga Orthodox Christians sa batas ng simbahan nila – bahagi ng kanilang espirituwalidad, pagpapahayag ng kanilang pagmamahal sa Diyos.
Lahat tayo ay nakikipagbuno sa katigasan ng puso, sa pagkiling sa kasalanan, at sa hirap ng pagtupad ng mga utos ng Diyos. Dahil dito bumabagsak tayo at nagkakasala at nasisira ang ugnayan natin sa Panginoon at sa kapwa tao.
Paano kaya kung magsimula tayong tumugon at tumalima sa mga utos ng Diyos bilang alay sa Amang nagliligtas sa atin? Bilang handog ng pasasalamat kay Hesus na namatay para sa atin? Bilang pakikibahagi sa liwanag at pagmamahal ng Espiritu Santo na nasa ating puso?
(paki-share naman po sa kaibigan… God bless!)