Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA A

IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA A

PAGPALAIN KA!

Ano ang karanasan mo ng Kuwaresma taun-taon?

Mga tradisyon ba – senakulo, pasyon, prusisyon, istasyon ng Krus, kumpisal? Puwede…

O mga sakripisyo kaya – fasting o ayuno, iwas sa karne pag Biyernes, iwas sa kape, pelikula, internet, cellphone? Puwede din…

O kaya pagsisisi, pagbabagong-buhay, bagong simula, bagong pag-asa? Puwedeng-puwede yan!

Isang sulyap lang sa unang pagbasa mula sa Genesis 12 ang magbibigay ng bagong surpresa!

Ang Kuwaresma ay pagpapala! Biyaya! Grasya! Blessing talaga!

Grasyang umaapaw mula sa kamay ng Diyos.

Pangako ng sagana sa gitna ng mga pangangailangan at pagtatanggol laban sa mga kaaway!

Sa Mabuting Balita matutunghayan ang Pagbabagong-anyo ng Panginoon sa bundok. Dito ang Panginoong Hesus ay tumanggap ng special blessing mula sa Diyos Ama niya… para sa kanyang sarili, sa kanyang misyon, at sa lahat ng makikinig at tatalima sa kanya.

E sino ba ang hindi kailangan ang blessing? Kung bine-blessan natin ang pagkain, ang mga kotse at mga bahay, bakit nga hindi kailangan ng blessing sa ating sariling buhay di ba?

Minsan may tumawag sa akin na kaibigang matagal nang walang balita. Naku ang lungkot niya. Niloko ng iba, at ngayon ay lupaypay, galit, depressed, tila walang lakas magsimula muli.

Hindi sapat na sa phone lang kami mag-usap kaya tinagpo ko siya sa isang lugar. Kailangan niya ng makikinig, ng kausap, ng uunawa, ng magpapalakas loob. Naglaan ako ng oras sa kanya sa kuwentuhan at sa panalangin.

Gusto kong ibahagi sa kanya ang blessing ng Diyos.

Ang blessing o pagpapala ay isang mabuting salita. Ito ay salita ng pagmamahal, kapayapaan, pasasalamat, lakas-loob, at konsuwelo.

Iyong mga naapektuhan ng bulkan kailangan nila ng blessing.

Iyong nagkasakit ng corona virus kailangan nila ng blessing.

Ang mga may depression, takot, at panghihina ng loob, kailangan nila ng blessing.

Tila lahat tayo kailangan ng pagpapala sa ating mga situwasyong personal, pinansyal, pamilya at trabaho.

Ano kaya ang bahagi ng buhay mong higit na kailangan ang blessing ng Panginoon ngayon?

Ngayong Kuwaresma, may mabuting balita ang Panginoon sa iyo! Gusto ng Diyos na i-bless ka! Nais niyang makinig sa mga hinaing mo at magsalita sa puso mo. Gusto niyang lumapit sa iyo at hipuin ang nasasaktan mong puso. Nais niyang hilumin ang pait at akayin ka mula sa ligalig tungo sa kapanatagan ng pagtulog mo tuwing gabi.

Subalit, kailangan muna may gawin ka din para makaharap mo ang Diyos at tanggapin ang  kanyang blessing.

Tulad ni Abram, kailangan mo muna sundin ang direksyong ibibigay niya para sa buhay mo; baka kailangang pakawalan mo ang iyong sariling ideya, plano, at control sa iyong buhay na nagpapabagsak sa iyo. Sundin ang Panginoon, at hindi ang iyong yabang, galit, o ambisyon.

Higit sa lahat tulad ng Panginoong Hesus, tagpuin mo ang Ama sa tuktok ng bundok.

Sa Bible, ang bundok ay sagisag ng panalangin, katahimikan, espirituwalidad, at distansya mula sa mundo. Kailangan natin ang mga ito… hindi permanente pero paminsan-minsan… para matanggap ang pagpapala ng Diyos.

Gawin mong mabiyaya ang Kuwaresma mo. Higit sa mga tradisyon, dasal, sakripisyo ay ang paglapit sa Panginoon  na sabik ding lumapit sa iyo.

Naghihintay ang iyong blessing, kapatid. Buksan ang puso, at tanggapin itong umaapaw!

(paki share po…)