Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA A

IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA A

NAPASABAK SA AWAY?

Inaasahan na nating mag-aaway ang mga bata… kahit sa laruan at pagkain lang.

Kapag nag-away ang matatanda, sinasabi natin: Ano ba iyan? Para kayong mga bata!

Subalit nasa dugo natin ang away. Nagaganap ito kahit saan:

               Sa hapag kainan

               Sa meeting ng isang grupo

               Sa basketball court

               Sa pag-aasikaso ng isang event

               Sa relasyon ng mga bansa

           Sa mga bagay na may kinalaman sa pera, kapangyarihan, o kayabangan
Araw-gabi tayo kung mag-away. Kelan ka nga huling napa-away?

Sa unang pagbasa ngayon, narinig natin ang lugar na Meriba at Massa; ang lugar kung saan dahil sa uhaw, pinagbuntunan ng galit ng mga Israelita si Moises. At dahil dito, pinagdudahan, sinubok at kinuwestiyon nila ang Diyos na kinakatawan ni Moises sa harap nila.

Uminit ang ulo ng mga tao hindi dahil uhaw lang sila at mainit ang panahon. Galit sila kasi duda sila sa kapangyarihan ng Diyos na ibigay ang kanilang pangangailangan.

Nakalimutan nila, o binalewala, ang mga kababalaghang ginawa ng Diyos mula pa noong palayain sila mula sa Ehipto.

Di ba ganito nagsisimula ang away? Kapag hindi na napansin ang kabutihan, kabaitan, o katapatan ng kapwa. Kapag wala ng tiwala, mitsa na iyang ng away.

               Lolokohin na naman ako nito!

               Ah, gusto niya akong maisahan!

               Hind ako papayag na siya ang magwagi!

               Tingnan ko lang kung sino ang mas magaling sa amin!
Hindi natin inaaway ang tunay nating mahal, iginagalang o pinararangalan. Sa halip, inuunawa, binibigyang-daan, tinatanggap natin ang sinasabi o ginagawa nito, sa paniwalang mabuti o tama ito para sa atin o para sa situwasyon.

Hindi lang ang mga Israelita ang nakikipag-away sa Diyos. Tayo din.

Tatanggap tayo ng blessing, ok sa atin yun. Pero kapag may nangyaring tila hindi tama, alsa balutan na tayo agad sa Diyos!

Ayaw nang magdasal kasi hindi naman natutupad ang panalangin o hiling.

Iiwas nang magsimba kasi ang daming problema – personal, pamilya, pera – at tila hindi maipaliwanag sa atin kung bakit hinahayaan ito ng Diyos.

Gagawa ng mali o ng masama kasi wala namang paki-alam ang Diyos sa nangyayari sa atin e!

Sa lahat ng ito, tingnan mo ang Diyos! Kapag mataas ang boses natin, o tikom ang kamao, o sumusuntok na sa lamesa, hindi naman niya tayo pinapatulan. Hindi nga niya pinarusahan ang mga tao sa harap ni Moises. Sabi lang niya, pakitaan mo sila ng himala nang pumanatag ang kanilang damdamin at magbaba sila ng boses.

Ang galit natin o kabiguan, protesta o himagsik – hindi mababago nito ang Diyos. Mananatili siyang mabuti at mahabagin. Patuloy siyang magbibigay at tutulong… kapag handa na tayong tumahimik at pumanatag sa harap niya. Ganun din naman sa ating kapwa.

May hinanakit ka ba sa puso mo laban sa Diyos? Dahil hindi mo maunawaan ang mga nangyari, lumalayo ka na ba sa kanya?

May gusot ba sa relasyon mo sa isang tao ngayon dahil sa di pagkakasundo, di pagkakaunawaan, o masamang pangyayari?

Hindi malulutas ng sigaw, galit, o tampo ang anuman.

Ngayong Kuwaresma, paanyaya ng Panginoon na makipag-ugnayang tayong muli sa Kanya at sa isa-t-isa.  Hamon niyang magtiwala tayo muli at maniwala sa kabutihan ng kapwa. Ginagabayan niya tayong subukan ang pang-unawa, pakikipag-usap na mahinahon, at kapayapaan sa ugnayan natin sa Kanya at kaninuman.

PAKI SHARE PO…