Home » Blog » MAY MENSAHE BA ANG COVID19?

MAY MENSAHE BA ANG COVID19?

Eto na nga at nagpa-panic na ang mga Pinoy.

Pagpunta ko sa supermarket, ang haba ng pila sa cashier.

Minimum ng 2 baskets bawat tao.  Wala nang alcohol sa mga mall, botika at tindahan.

Suspended ang mga klase sa paaralan. Quarantine status ang Maynila, pati buong Luzon.

Bakit nangyayari ito? Ano kaya ang kahulugan nito? Nasaan si Lord?

Ang daming taong nagmamarunong sa mensahe ni Lord:

Sabi ng mga konserbatibong Kristiyano, parusa daw ito ng Diyos.

Kasi daw, maraming pagkakamali si Pope. Marami daw pagkukulang ang simbahan.

Pero ganun ba si Lord? Kung nagkamali ang mga lider Kristiyano,

Bakit buong mundo kasali sa parusa? Unfair yata.

Tila hindi yata si Jesus ang pinanggalingan nito. Ginawa mo pang masama ang Diyos na napakabuti.

Meron namang eto at ginagamit sa pulitika ang situwasyon.

Pista ng mga trolls ngayon. Ang galing ni “tatay.” Kawawa si “tatay.”

Pagod na pagod na si “tatay” kahit tila kagigising lang naman po niya.

At kapag may nagkomento ng kakaiba sa linya ni “tatay,” dapat tumahimik.

Huwag daw pakialamero. Magkaisa na lang daw.

Sasakit ang ulo ninyo pag ganyan. Kasi bawat isa may opinyon.

Kung meron ka, bakit di mo igalang na meron din sila, di ba? Grow up naman!

Ano’ng masama sa ideya? At least nag-iisip at hindi sunud-sunuran lang.

Kritisismo man, malasakit pa rin iyan. Respetuhan kasi magkakapatid pa rin tayo.

Merong iba na ang sabi naman eto at nanalo na daw ang demonyo.

Kasi nagsara ang mga simbahan. Natigil ang Misa, fellowship, worship, Bible study.

Pero ang nakakatuwa, natuto ang mga pari na magmisa sa FB at youtube.

Di ba lalong napasok ni Lord ang mundo ng maraming hindi nagsisimba at nagdarasal

Sa simbahan pero nagbababad sa internet.

Napasok ni Lord ang internet, kaya victory pa nga ito laban sa demonyo.

Ang daming text message na dasal. Ang daming meme na dasal.

Pati nga ang presidenteng galit sa Krus at sa mga santo, sa simbahan at sa mga lider nito (na gusto nga niyang ipapatay sa mga tao di ba?)

Ayun at nagsabi na magdasal daw sa God Almighty kasi iyon daw ang makakatulong.

Aba, himala iyon ha! Wagi si Lord sa nangyari dahil may natauhan pala naman!

Ang mga school nag-offer ng online lessons para tuloy ang aral.

Sulputan ang mga reklamo ng mga bata.

Wala daw internet, pero maya’t maya naman ang post ng comment.

At ang pagpasa ng meme at cut ang paste ng mga prepared paawa.

Ano ba ang mahirap sa mag-aral sa bahay kahit sandali lang.

Mahirap lang ang online kapag studies, di ba?

Pero pag online na neflix, games, social media, walang problema.

Krisis ngayon pero ang future of the nation, takot lumago ang isip at lumawag ang diwa.

Paano sa mga susunod na krisis pag kayo na ang lider ng bansa? Katakot yun.

Kuwaresma po ngayon e. Ang dami nating iniisip dati kung paano ba talaga

Magiging close kay Lord. Ano ba ang iiwasan? Ano ang dapat gawin?

Tinulungan na tayo ng situwasyon.

Iwas sa mall. Iwas sa sine. Iwas sa gimikan. Si Lord na ang gumawa ng paraan.

Iwas sa gastos. Iwas sa porma. Iwas sa tambay.

Ibinalik tayo ni Lord sa bahay. Kasama ang mga taong hindi na natin nakakausap

Dahil mas madalas tayo sa gadgets natin at sa barkada.

Hindi mo ngayon maiiwasan ang sumpong ng tatay, ang bunganga ng nanay, ang topak ni kuya

at ang arte ni ate, ang dada ni misis, ang angas ni mister.

Walang reason para hindi magbuklat ng libro at lessons mo.

Walang reason para hindi kumilos at tumulong maglinis at mag-urong ng plato.

Walang reason para isara ang mata sa katotohanan na kapag krisis pala, ang takbuhan ay pamilya.

Higit sa lahat, ang daming oportunidad makiugnay sa Kanya.

Sa gitna ng scare, di ba nandyan ka at buhay pa?

Sa gitna ng panic, di ba safe ka naman?

Ang haba ng araw sa loob ng bahay.  Magsasawa ka rin talaga sa tv at sa internet.

Pag nangyari ito, baka puwedeng buksan mo ang Bible mo at magbasa ng inspiring Word.

Baka naman makasingit ng sandali sa harap ng altar o sa privacy ng room mo na magdasal,

Magpasalamat, makinig, at makipag-kaibigan sa Panginoon na naghihintay.

Doon mo maririnig ang paulit-ulit niyang pangako: Do not be afraid. I am here.

Kaya nga siguro nangyayari ang lahat dahil dapat nating maalala ang mensaheng ito.

Sa gitna ng unos ng buhay natin: Jesus is here.

Sa gitna ng takot: Do not be afraid.

Sa gitna ng boredom: Listen to me.

Sa gitna ng uncertainty: I will be with you til the end of world…

Pagkatapos ng dilim: I am the light of the world.

Pagkatapos ng krus: I am the Resurrection and the life.

Pagkatapos ng kuwaresma: He is Risen, Hallelujah!

Balik sa pamilya, malasakit sa kapwa, respeto sa bawat isa, maging positibo, kapit kay Lord!  COVID – Christ overcomes viruses, infections, disease!