GOOD FRIDAY: Virus ng Pagmamatigas ng Puso
Marami tayong naranasan sa taong ito na hindi natin kailanman inasahan. Ang pagsabog ng bulkan. Ang paglaganap ng corona virus sa buong mundo. Ang mga pagkawasak sa paligid. Ang pagtigil ng mundong ating ginagalawan. Lahat iyan ay walang katulad sa naganap noong unang Biyernes Santo – ang pagkamatay ng Diyos! Ang Diyos na bukal ng buhay ay namatay sa krus. Walang paliwanag maliban sa walang hanggang pagmamahal niya sa bawat isa sa atin. Isipin mo ito: May namatay na pala para sa iyo. May nag-alay na pala ng buhay para sa iyo. May umako na pala ng mga kasalanang nagawa mo sa mundong ito. May nagmahal na pala sa iyo nang sukdulan hanggang ibigay niya ang lahat, ang buo niyang sarili, para sa iyo. Maglaan ng panahon na titigan ang Krus at damahin ang pag-ibig na alay ng Diyos para sa iyo, sa katauhan ng kanyang Anak na si Hesus. Gawing kakaiba at natatangi ang araw na ito sa pamamagitan ng katahimikan at panalangin, taglay ang pasasalamat sa Diyos na handang ibigay ang lahat para sa iyo.
Panginoon, alisin mo po ang virus ng pagmamatigas ng puso sa akin. Palitan mo po ito ng pusong sanay kumilala ng dakilang pag-ibig na laging handang tumanggap, magpatawad, yumakap, dumamay at mag-alay ng buhay para sa akin.
Bagamat mahirap para sa marami na makapag-kumpisal ngayon, taos-pusong magsisi sa mga kasalanan at humingi ng tawad sa Panginoon.
#ourparishpriest 2020