HOLY MONDAY: Virus ng Kasakiman
Nanghinayang si Hudas sa mamahaling pabangong ibinuhos ng babae sa paa ni Hesus, hindi dahil ang katumbas sanang halaga nito ay magagamit sa pagtulong sa mga mahihirap. Ang tunay niyang pakay ay ang maipagbili sana ang pabango at nang maibulsa niya ang pera para sa kanyang sarili. Sa gitna ng mga krisis sa buhay, kaydami sa atin ang nagiging sakim. Hindi masamang maghanda para sa pangangailangan ng sarili at pamilya. Pero masama kapag hindi na natin alintana ang pangangailangan ng iba. Dahil sa lockdown, kanya-kanyang hakot ang mga tao ng supply at kagamitan. Nagkaubos ang tinapay, itlog, alcohol at toilet paper sa mga tindahan. At ang ibang mga tindero naman, nagpatong ng presyo sa paninda nila. Ganito rin ang nangyari noong pagsabok ng Taal volcano. Ngayon kung titingnan ng mga taong ito ang bundok-bundok na supply sa bahay nila na hindi naman nagagamit, ano kaya ang kanilang nadarama? Kung magpapatuloy ang ganitong gawi ng mga tao, matatawag ba natin ang ating mga sarili na tunay na Kristiyano?
Panginoon, iwaglit mo po sa akin ang virus ng kasakiman para sa sariling kapakanan… Turuan mo po akong magtiwala at manindigan na hindi mo ako pababayaan kung magpapakita ako ng pakundangan sa pangangailangan ng kapwa.
#ourparishpriest 2020