IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY/ DAKILANG AWA NG DIYOS
ISABUHAY ANG AWA NIYA
Paki-imagine nga ito:
Nagpaalam ang 3 mong anak at ang isang pinsan nila na bibili lang ng ice cream sa kanto.
Nang pauwi, sinuro ng isang malaking trak ang mga bata dahil lasing ang drayber. Patay agad lahat.
Ano ang mararamdaman mo? Para sa mga anak mo? Para sa drayber na lasing?
Parang bangungot pero totoong naganap sa isang pamilya sa Australia ngayong Pebrero 2020, kina Danny at Leila Abdallah, magulang ng 6 na maliliit na bata.
Tingnan mo lang ang mga litrato, ang mga video, at mararamdaman mo ang pait. Ang hinagpis ng pamilya ay walang kapantay.
Ipinahayag agad ng mag-asawa ang pangungulila at pagmamahal sa kanilang mga anak na sina Anthony, Angelina at Sienna, at sa pinsan nilang si Veronique.
E paano naman sa drayber? Di ba may dahilan silang mapoot sa kanya, sumpain siya, hingin ang buhay niya, magpilit ng pinakamalupit na parusa sa kanya dahil sa kapabayaan niyang kumitil sa buhay ng kanilang mga minamahal?
Sa unang pahayag ni Leila, nakakagulat ang sinabi niya: “Sa tingin ko, sa aking puso, pinatatawad ko siya… hindi ko siya kamumuhian – hindi kami ganoon, at hindi ganoon ang turo ng aming pananampalataya.” WOW!
Ang pamilyang Abdallah ay mula sa Lebanon, at mga Katolikong kabilang sa rito na tinatawag na Maronite Christians o Maronite Catholics. Malapit sila at aktibo sa parokya nila.
Kahit sa mga Kristiyano, ang pagpapatawad ay napakahirap na hamon. At marinig lang ang isang ina na puno ng awa, pagmamahal, at kalinga sa pumatay sa kanyang mga anak, kaydaming puso ang naantig sa mundo at naunawaan ang halimbawa ni Hesus.
Ngayon ay Linggo ng Divine Mercy. Paalala sa atin ni Hesus na ang kanyang Kamatayan at Pagkabuhay na Muli ang pinakamahalagang kilos ng awa ng Diyos sa ating kasaysayan.
Sa napakaraming sala ng mga tao, hindi gumanti ng karahasan ang Diyos kundi ng pag-aalay ng kanyang sariling Anak sa krus.
Sa kamatayan ni Hesus sa krus, hindi tumugon ng poot ang Ama kundi ng pagbibigay ng bagong buhay sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus mula sa kamatayan.
Sa panahon ng Pagkabuhay, ang handog ni Hesus ay kapayapaan, hindi guni-guni at kathang-isip lamang, kundi tunay na kapayapaan.
Ang kapayapaang ito ay mula sa pagpapatawad. Matapos batiin ang mga alagad: “Sumainyo ang kapayapaan,” nagsalita si Hesus tungkol sa pagpapatawad (Jn 20).
Dahil nagpatawad ang Panginoon, ang mga alagad din, dapat maging kasangkapan ng pagpapatawad at pakikipagkasundo.
Ito ang nagbigay lakas sa pamayanang Kristiyano na lumago, dumami, mabuhay sa pag-ibig at kapayapaan, at maging malakas sa pananampalataya (Acts 2: 42-47).
Ang maniwala sa Pagkabuhay Muli ng Panginoong Hesus ay nangangahulugang magbahagi ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, isang kilos na napakahirap talaga! Ang pagpapatawad ay kilos ng awa ng Diyos. Ang pagpapatawad ay karanasan natin ng pinakabanayad at pinakamatapang na pag-ibig sa kasaysayan ng ating buhay.
Kaya mo bang pag-isipan ang pagpapatawad sa buhay mo ngayon?
May sama ng loob pa bang bitbit mo sa puso ngayon?
Galit ka pa sa nangyari sa nakaraan mo?
Naialay mo na ba sa Panginoon ang hirap mong magpatawad?
Handa ka na bang makaranas ng kapayapaan, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kapayapaang nagpapatawad?
Ipinapaalala ni Hesus ngayon ang kanyang awa sa iyong mga kasalanan at kahinaan. Maging kasangkapan ka nawa ng awa ng Diyos ngayon!
paki-share sa kaibigan…