NEW NORMAL, ABNORMAL, NORMAL – ALIN NGA BA?
Ang daming binabanggit ngayon na “new normal.”
Marami na daw magbabago pagkatapos ng lahat ng dulot ng pandemic.
Ngayon, nakita natin ang halaga ng pananampalataya at panalangin.
Hindi hadlang ang mga saradong simbahan.
Ginawa nating simbahan ang loob ng ating bahay.
Ngayon, nakita nating maigsi lang ang buhay.
Dapat pahalagahan ang pamilya at mga ugnayan sa kapwa.
Maaari ka palang mamatay mag-isa at ilibing na walang nakikiramay,
So bakit magpapatuloy sa masamang ugali sa kapwa?
Nakita natin na mas okey pala sa bahay tumambay
Kesa sa mall, inuman, sugalan, computer shop, coffee shop at milk tea shop.
Mas tipid na, pahinga at panatag pa ang kalooban.
Ngayon nakita natin na mahalaga pala ang edukasyon.
Bigla palang darating ang surpresa na wala nang teacher, classroom, lecture.
Okey na okey sa mga tamad at walang ambisyon.
Pero parusa iyan sa mga may pangarap na lumago ang buhay at umahon sa kahirapan.
Kaya sayang talaga ang nawalang panahon na inilaan lang sa FB at Tiktok.
Ngayon alam nating maraming bayani ang bayan
Mga taong handang maglaan pati ng buhay para iligtas at tumulong sa iba.
At sanay na tayong kumilala at magpasalamat sa kanila.
Simple rin ang buhay ngayon.
May pera o wala, saan ka naman mamimili? Ano pa ba ang mabibili?
Saan mo yan gagamiting lakwatsa?
Sa kagipitan pala, yung pinakamahalaga lang ang tutuunan ng pansin.
Yan daw ang “new normal…”
Di na daw tayo babalik sa “normal,” yung dati.
Pero normal nga ba yung dati?
Hindi normal kundi “abnormal” ang tawag ko doon e.
“Abnormal” yung dating gawi natin na hindi nagdarasal o tamad magsimba.
Na para bang hindi kailangan ang Diyos at sagabal sa gawain ang pagtawag sa kanya.
“Abnormal” yung dating walang pakialam sa kapwa,
O kaya ang daming naipong kaaway.
“Abnormal” yung dating kung maisipan lang uuwi ng bahay,
At mas mahal pa ang barkada kaysa pamilya.
“Abnormal” yung dating hindi pagpapahalaga sa edukasyon.
Gasta ng gasta ng pera ng magulang para sa hindi importante –
Gala at lakwatsa at gimik hanggang bumagsak, mapatalsik at hindi makatapos.
“Abnormal” yung walang pagmamahal sa bayan.
Unahan sa pila, gulangan sa Edsa, swapang sa tubo at kita, sarili lang ang iniisip.
“Abnormal” yung nakatutok lang ang isip sa materyal na bagay –
Panic buying, hoarding, adik sa online shopping
At pagkatapos nakatambak lang sa bahay na walang gumagamit.
BABALIK BA TAYO DUN? HINDI NAMAN NORMAL YUN E! ANG TAWAG DUN E ABNORMAL!
Ano ang normal?
Iyon yung itinuro sa atin ng ating mga lolo at lola,
Noong kapanahunan nila… na ayaw nating pakinggan.
Iyon yung sinabi ni Rizal tungkol sa bayan at kabataan,
Na pinagtatawanan pa natin ngayon… dahil old-fashioned.
Iyon yung turo ng Bible at ng Simbahan tungkol sa Diyos at sa buhay…
Na deadma lang sa atin at sagabal sa kasayahan.
Iyong mga lessons ng kasaysayan, pananampalataya at ugnayan…
Iyon ang talagang “NORMAL.”
Tila doon tayo ibinabalik ng tadhana.
Tila doon tayo inaakay ng Diyos.
Tila iyong normal, hindi abnormal na buhay natin bago ang lockdown, ang dapat balikan at gawing “new normal” ulit.
Umiikot lang ang mundo… pabalik sa dapat at totoong “normal.”