KATAWAN AT DUGO NI KRISTO A
ANG HAMON NG “KAWALAN” NI KRISTO
Ibang iba ang pagsamba nating mga Katoliko maging sa ibang mga Kristiyano.
Ang pamayanang pagsamba natin ay nagaganap sa Misa o Eukaristiya kung saan ang Komunyon ay isang kinasasabikang bahagi ng pakikiulayaw sa Panginoon.
Maraming mga Protestante ang nakakatuklas na rin ng Komunyon sa kanilang mga pagsamba.
Ang kaibahan sa atin ay hindi sila naniniwala sa “Tunay na Presensya” ng Panginoon sa Komunyon nila.
Bilang mga Katoliko, ang Tinapay at Alak ay nagiging totoong “Katawan at Dugo ng ating Panginoong Hesukristo” sa Banal na Misa.
Ito ang pahayag ng Panginoon sa Mabuting Balita ngayon: ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Sinumang kumain ng aking laman at uminom ng aking dugo ay mananatili sa akin at ako sa kanya (Jn 6: 55-56).
Kaya buong ingat at buong galang tayo sa harap ng Komunyon, nagsisisi muna sa kasalanan at minsan nga kailangan pang mag Kumpisal bago tumanggap sa nito.
Dahil ang Komunyon ay hindi simbolo lamang kundi katotohanan; tunay nating nahahawakan, nakakasalamuha, natatanggap ang ating Panginoon at Diyos; at tunay niya tayong dinadalaw sa anumang situwasyon ng ating buhay.
Winasak ng pandemya ang karanasan nating iyan sa Misa. Dahil sa mga lockdown nasara ang mga simbahan, ipinagbawal ang publikong Misa, nalayo tayo sa ating mga parokya.
Naranasan natin ang “Tunay na Kawalan” ni Kristo sa halip na “Tunay na Presensya” niya sa Komunyon.
Nagsimba tayo sa ating mga computer at cell phones; iba sa radyo naman. Naroon pa rin ang Misa; wala nga lang Komunyon at alam ko, nakakamiss talaga tumanggap ng Katawan at Dugo ni Kristo.
Para sa marami sa atin, ang hirap panoorin ang pari na nagko-Komunyon tapos tayo hindi puwede, dasal lang. Nangungulila ang marami sa nakasanayan na.
Ngayong unti-unting magluluwag ang mga lockdown o quarantine, mahirap pa rin magsimba. Yung mga seniors bawal lumabas. Ganun din ang mga bata at sakitin. Konti lang din ang maaaring pumasok sa simbahan nang sabay-sabay.
Hindi pa rin tayo makapagko-Komunyon pala. At siyempre maraming takot pa rin magkasakit kahit kayang magsimba.
Subalit ang sentro ng ating pananampalataya ay hindi naman ang Misa. Tandaan po na ang sentro ng pananampalataya ay ang Panginoong Hesus mismo.
Ang Misa ay paraan ng pakikipagtagpo sa kanya. Ang mga tao sa simbahan ay mga kapamilyang nagpapalakas loob at gumaganyak sa pagsunod sa Diyos. Mahalaga sila sa atin.
Pero walang mas mahalaga pa sa pananampalataya kay Hesus na kasama natin, hindi lang sa Misa, kundi sa bawat gawain, bawat salita, bawat isip, bawat taong minamahal at pinaglilingkuran natin.
Habang hindi pa makapagsimba sa parokya, tanungin natin ang sarili: si Hesus ba ang tunay na sentro ng aking puso? Nagiging mapagmahal ba ako sa kapwa tao? Nagiging mapaglingkod ba ako sa kapwa ngayong panahon ng paghihigpit? Taos-puso ba ako magdasal kahit nag-iisa?
Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo! (Rom 8:38).
Paki-share po sa kaibigan…