Home » Blog » SANTISSIMA TRINIDAD, A

SANTISSIMA TRINIDAD, A

SAMAHAN NINYO KAMI, PANGINOON

 

Ang Linggo ng Santissima Trinidad, ay higit sa lahat, pista ng pang-unawa. Maraming tao ang hirap maintindihan ang sentrong ito ng ating doktrina dahil tila masalimuot.

 

Naniniwala ka ba sa Iisang Diyos? Oo, Iisa ang Diyos.

 

E bakit, may Ama, Anak at Espiritu Santo pa? E kasi, ang Ama, Anak, at Espiritu Santo – tatlong “persona” – ay Iisang Diyos nga! Di puwedeng bawasan; di puwedeng sumamba sa isa at iwan ang dalawa!

 

Ang Diyos ay Isa sa Tatlong Persona! Kuha mo ba? At maraming di-Kristiyano ang magkakamot ng ulo at tititig sa atin na tulala.

 

May debate sa pagitan ng isang pastor at isang Muslim scholar. Ang Pastor ay naniniwala sa Santissima Trinidad, Trinity. Ang Muslim ay naniniwala sa Tawhid, na ang Diyos ay isa, period.

 

Tulad ng mga fundamentalist Christians, laging tanong ng Muslim ay: nasaan yan sa Bible mo? Na para bang ang Bible ay ensayklopedia o Google. Kaya ang unang tanong ng Muslim: ipakita mo s akin ang salitang Trinity o Santissima Trinidad sa Bible.

 

Sabi ng pastor, wala doon ang salita tulad ng maraming salita ay wala naman talaga sa Bible. Pero naroon ang katotohanan! Ang halimbawa, ang pangyayari, ang pagbubunyag tungkol sa Trinity – naroon lahat!

 

Ang pastor naman ang nagtanong: Nasaan ang salitang “tawhid” sa Koran mo. Hindi nakasagot nang maayos ang Muslim kasi wala naman talaga doon ang salita. Naniniwala sila pero wala ang salita sa libro nila.

 

Ay naku, hindi matatapos ang debate ng mga relihyon kung iyan lang ang gagawin ng mga tao. Ang gustong maniwala, maniniwala; ang ayaw, hindi mapipilit.

 

Ang Santissima Trinidad ay pista ng pang-unawa. Pero tandaan po na ang pang-unawa ng tao ay may limitasyon sa harap ng dakilang karunungan ng Diyos. Oo, mauunawaan natin lahat pati ang pinakamataas na hiwaga, subalit dapat muna tayong pumasok sa karanasan at pakikipagtagpo sa Panginoon.

 

Ang Santissima Trinidad kasi, ay pista ng pakikipagtagpo, karanasan, pakiki-ulayaw sa Diyos, kasabay ng pang-unawa sa misteryong ito.

 

Sa unang pagbasa, nakausap ni Moises ang DIyos sa bundok. Nakiusap siya: “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”

 

Ang Diyos ay hindi Diyos na nakaupo lamang sa langit at nagmamatyag, namamahala, at nanghuhusga sa mundo tulad ng nakikita sa ibang relihyon.

 

Sineryoso ng Panginoon ang paanyaya ni Moises at umayon na “samahan” ang kanyang bayan. Siya ang Amang nagmamahal sa kabila ng kasalanan ng mga anak.

 

Higit pa diyan, ipinadala niya ang kanyang Anak na si Hesus na Panginoon upang lutasin ang situwasyon ng kasalanan. Nagturo, nangaral, nagpagaling, naghimal, namatay at muling nabuhay ang Panginoon Hesus upang ipakita ang kanyang napakadakilang pagmamahal sa pagtubos sa ating lahat.

 

Nang bumalik si Hesus sa Ama sa langit, isinugo naman niya ang Espiritu Santo upang patuloy na gumabay, magturo, at magpa-alala sa mga tao tungkol sa kanyang mga salita at upang gawing ganap ang nasimulan sa puso ng bawat tao. Ang Espiritu Santo ang dahilan kung bakit kasama pa rin natin si Hesus at kaugnay pa rin natin ang Ama ngayon sa ating panahon.

 

Malinaw ito sa Mabuting Balita, Jn 3:16 ngayon.

 

Hindi kilala ng iba ang Santissima Trinidad dahil hindi sila nakapasok sa karanasan ng isang Diyos na sumama, nakilakbay, nakiugnay tulad ng Diyos na ipinakilala sa atin ng Panginoong Hesus. Kaya limitado ang pananaw nila sa Diyos.

 

Kilala natin ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo dahil kasama natin siya, nakikigalak sa atin, nakikidalamhati sa atin, nagtatagumpay kasama natin! Kumpleto ang pagpapahayag niya sa atin ng kanyang pagmamahal.

 

Habang nakikilakbay sa atin ang Diyos, nawa tayo din, magbukas ng puso sa kanya at lagi siyang kilalanin, sambahin at ipagdangal sa ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Amen!

 

Paki-share sa kaibigan…