IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
IKAW DIN AY “SALITA” NG DIYOS
Ano ba ang Salita ng Diyos?
Ang Salita ng Diyos, unang una, ay si Hesus! Siya ang Salita na kapiling ng Ama palagi.
Sabi ni Propeta Isaias (ch. 55) nagmumula ang salita sa bibig ng Diyos at tumutupad sa kalooban ng Diyos.
Ito ang naganap sa Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos na bumaba sa lupa upang itatag ang Kaharian ng Ama sa mundong ito. Kaya, ang Salita ay naging tao – kay Hesus!
Ang salita ng Diyos, pangalawa, ay ang “mensahe” ng Diyos. Mula sa Diyos at dumadaloy sa Bibliya at sa mga turo ng simbahan, ang salita ng Diyos ang nagiging inspirasyon natin para mamuhay nang mabunga at makahulugan.
Sa Mabuting Balita (Mt 13), mababasa natin ang talinghaga ng mga binhi na inihasik sa iba’t-ibang klase ng lupa. Ang mga binhi ay kumakatawan sa salita ng Diyos, sa mensahe ng Diyos, na iniaaalok sa mga tao at tinatanggap ng mga tao sa kani-kanilang paraan.
May kapangyarihan ang salita ng Diyos at maraming nakakaranas ng pagbabago ng buhay dahil dito.
Si San Agustin ay nag-aral ng salita ng Diyos. Si San Francisco ay nakinig dito. Si Padre Pio ay nagnilay naman. Si San Francisco Javier naman ang nagpahayag nito sa mga tao. Nagbagong tuluyan ang buhay nila dahil natagpuan nila ang mensahe ng Diyos.
Kay dami ngayon na nagbabasa ng Bible, nakikinig sa preaching, nagpapadala ng Bible text message, naga-attend ng Bible at faith sharing.
Sila din, nakakatanggap ng inspirasyon, lakas ng loob at katatagan upang mamuhay nang mabuti at makagawa ng mabuti sa kapwa.
Kapag naibahagi ang salita, at tinanggap din naman ito, may nagaganap na himala.
Minsan ang himala ay biglaan at minsan naman, nagtatagal muna bago manuot sa puso at makagawa ng pagbabago.
Ang mahalaga ay maitanim muna ang binhi sa puso ng isang tao.
Subalit ang salita ng Diyos ay hindi lamang si Hesus; at hindi lamang ang Bible o mensahe. Ang salita ng Diyos din ay maaaring dumating sa pamamagitan ng isang mabuting salita o paalala mula sa pamilya, kaibigan o kapitbahay. O sa pamamagitan mo!!!
Kinakausap tayo ng Diyos sa pamamagitan ng ordinaryong gawain, kaganapan o tao sa ating paligid. Ginagamit tayo upang makapaghatid ng awa at kalinga at gabay sa mga higit na nangangailangan.
Kung pipigilin nating magsalita o kumilos kapag kinakailangan, ang ibang tao ay hindi makakatuklas ng katotohanan o makakasumpong ng tamang aral. Kailangan nating hayaan ang Diyos na magsalita sa pamamagitan natin para makatulong tayo sa iba.
Isang araw, napansin ng ama na sobrang oras na ang ginugugol ng anak sa internet, sa games at videos. Napapabayaan na ang tulog, ang presensya sa iba sa bahay, at ang pag-aaral.
Isang araw, lakas loob niyang hinarap ang anak at ipinaliwanag ang masamang dulot ng ganitong kilos. Ipinaliwanag niya ang masamang dulot ng internet addiction.
Nagulat siya na agad namang sumunod ang anak at nagpigil mula noon sa gamit ng internet.
Ginamit ng Panginoon ang boses ng ama upang makarating sa anak ang kanyang salita at maituwid ang mali.
Dapat laging makinig kay Hesus; tamang ugaliin ang magbasa ng Bible; subalit mahaga din na tanggapin ang salita ng Diyos at maging “tagapagdala” mensahe ng Diyos sa iba. Nagiging katulad tayo ng ating tinatanggap… nagiging salita din tayo ng Diyos sa kapwa natin.
(pls share sa isang kaibigan…)