Home » Blog » IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

 

PINAGTIWALAAN

 

 (image from the internet)

 

Sa unang pagbasa (Is 22) isang di kilalang pangalan ang binabanggit: Eliakim. Siya ang magmamana ng gawain ni Shebna (isa pang “da who?”) bilang tagapamahala ng palasyo.

 

Tila nagustuhan ng Diyos si Eliakim kaya pinagkatiwalaan siya ng mataas na posisyon at malaking impluwensya sa kaharian: kung ano ang kanyang bubuksan, walang makapagsasara; kung ano ang kanyang isasara, walang makapagbubukas naman.

 

Dahil sa tiwalang ito, naabot ni Eliakim ang mga dakilang bagay para sa Panginoon at sa bayan.

 

May kaibigan akong nagtrabaho sa ilalim ng isang banyagang businessman sa Maynila. Napansin ng businessman ang katapatan at kasipagan ng aking kaibigan.

 

Nang mag-retire ito, dahil walang pamilya, sa aking kaibigan niya ipinasa ang mahalagang gawain sa negosyo pati na ang kanyang mga sikreto ng tagumpay. Nagbago ang buhay ng aking kaibigan, at patuloy siyang lumago sa kanyang mga gawain.

 

Lagi nating sinasabi na matapat ang Diyos kahit hindi natin nauunawaan ang kahulugan ng kanyang katapatan at kung paano nito mababago ang ating buhay.

 

Dahil matapat ang Diyos, mapagtiwala din ang Diyos. Hindi siya Diyos ng pagdududa. Hindi niya sinasabi: “hindi niya kakayanin ito; tila mahina ang taong ito; imposibleng magawa niya iyon.”

 

Sa halip, bahagi ng katapatan ng Diyos ang kilalanin ang halaga, lakas, potensyal at kabutihan ng bawat isa sa atin. Tama, mahina tayo at di perpekto pero patuloy ang Panginoon na nagtitiwalang kaya nating magawa ang mga dakilang bagay para sa Kanya, sa ating kapwa, at sa ating sarili.

 

Sa Mabuting Balita ngayon (Mt 16) inilalarawan ito. Sino ba ang mag-iisip na gawing ang mangingisda na “mamamalakaya ng tao?” Sino ang magtitiwala sa isang sumpunging tulad ni Pedro na mamuno sa mga alagad at sa simbahan ni Kristo? Sino ang susugal sa mga salita ni Pedro na minsan ay matatag at minsan ay pabagu-bago?

 

Tanging si Hesus lamang ang gagawa nito. May nakita siya sa katauhan ni Pedro. Narinig niya ang pananampalataya nito at katapatan. Hindi ito ang “the best,” mas marami pang alagad na mas marunong, mas malawak ang pang-unawa at mas masigasig.

 

Subalit kung bibigyan ng pagkakataon, alam ni Hesus na magiging matapat si Pedro buong buhay; na handa itong mamatay para sa Kanya at sa simbahan. Kaya nga si Pedro ang unang santo papa ng ating pananampalataya.

 

Ipinaaalala sa atin ito ng mga pagbasa ngayon, ang mahalagang tungkulin ni Pedro, ang gampanin ng kanyang kahalili, ang Santo Papa sa Roma. Kung paano pinagtiwalaan at minahal ni Hesus si Pedro, gayundin natin dapat pagtiwalaan at mahalin ang Santo Papa.

 

Paalala din sa atin, na tayo din ay tumatanggap ng tiwala ng Panginoong Hesus. Anuman ang ating gampanin, gawain, o pananagutan sa pamilya o sa lipunan – maliit o malaki man – ang Diyos ang unang nagtitiwala at nagtutulak sa atin na ibigay ang lahat-lahat.

 

Ipanalangin nating maging karapat-dapat tayo sa tiwala ng Panginoon, na magawa natin ang kanyang inaasahan mula sa atin, na tulad ni Pedro, maihayag natin ang pagmamahal at katapatan natin kay Hesus sa anumang maliit nating ginagawa araw-araw upang maging mas mabuti, mas maligaya at mas kaaya-aya ang mundong ito.

 

(Paki-share sa kaibigan…)