Home » Blog » IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

 

PANANAGUTAN MO YAN!

 

 image from the internet

 

Malamang nagulantang si Propeta Ezekiel sa narinig niya mula sa Panginoon sa pagbasa ngayon (Ezek 33).

 

Alam niya ang tungkulin niya bilang propeta: maging kinatawan ng Diyos; maging bibig ng Diyos sa harap ng mga tao. At akala niya, pagkatapos nun, pwede nang umuwi, magpahinga at mag-relax.

 

Pero hindi pala! Mas higit pa doon ang misyon niya!

 

May pananagutan pa pala siya kung makikinig ag mga tao sa mensahe ng Diyos at tatanggihan ito. May pananagutan din siya kung magbagong-loob sila at lumayo sa masama.  Kanya pa din yun!

 

Inaasahan siya ng Panginoon na hindi lang magsalita bilang propeta kundi ibigay pa ang buong puso, ilaan ang lahat-lahat para sa kabutihan, kapakanan at kaligtasan ng mga tao. Sa madaling salita, dapat pa pala niyang mahalin ang mga taong mahal ng Diyos!

 

Minsan pa naman, akala natin madali lang ang misyon natin. May gawain sa simbahan? E di sumali. May kailangan ang mahirap? E di magbigay. May tutulungan? E di mag-volunteer. Pero ang alagad ay higit pa pala sa pagbabahagi ng pera o oras o attendance.

 

Sabi sa Ebanghelyo (Mt 18) may malinaw na hinihingi: kapag nagkasala ang kapatid mo, sikapin mong ibalik siya sa Panginoon. Mag-usap, magkalinawan, magkasundo. At kailangan dito ang mapagmahal na taong gagawa ng paraan sa ikaliliwanag ng isip at ikatutuwid ng landas ng kapwa.

 

Dito nagiging mahirap! Madali ba kausapin ang kaaway mo? Ang nanakit sa puso mo? Hindi madali (lalo’t kamag-anak o pamilya) lapitan ang taong laging tama, ayaw nang makinig o matigas ang ulo. Mabuti pang makipag-negotiate sa terorista kesa sa taong ayaw magbalik mula sa maling landas!

 

Kaya ang nais ng Panginoon ay tunay na pagmamalasakit, pag-aalala, at pagmamahal para sa kapwa. Kung walang pagmamahal, ang daling sumuko. Kung may pag-ibig, magtitiyaga na hanapin o lapitan ang taong dapat ibalik sa katotohanan, pananampalataya at ugnayan.

 

May kilala akong ganito kung magmahal. Gagawin lahat para mapabuti ang iba. Ipinagdarasal niya. Kinakausap niya. Pinapaliwanagan ng Salita ng Diyos. Inaanyayahan pa sa simbahan at sa mga gawain doon.

 

Hindi naman siya laging matagumpay pero tuloy lang. At kahit walang nangyayari, patuloy na nagmamahal sa Diyos at sa mga kapatid at kapwa niya.

 

Natutukso ka bang gawin lang ang pinakamaliit na bagay bilang Kristiyano? Kuntento ka na ba sa konting tulong, konting dasal, konting pagsawsaw sa buhay ng simbahan, trabaho o pamayanan? Takot ka bang lapitan na may pagpupunyagi ang mga taong dapat turuan ng tama o mali?

 

Una humingi sa Diyos ng isang pusong tulad sa kanya – nakalaan sa mabuti, sa kaligtasan ng kapwa. Pagkatapos humiling ng lakas ng loob na maging tunay na propeta sa kasalukuyan mong sitwasyon, maging totoong alagad ni Hesus na naghahatid ng Mabuting Balita hindi dahil obligayson ito, kundi dahil sa nag-uumapaw na pagmamahal mo.

 

 (paki-share naman po… salamat po!)