Home » Blog » IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

 

SINO NGA ANG HINDI PATAS?

 


 

 

Nakakahiyang aminin pero totoo – hindi patas ang mundo! Patunay?

 

Ang mayayaman lalong yumayaman… ang mahihirap, lalong nagdarahop/.

 

Ang ma-impluwensya mas madaling nadirinig… ang balewala hindi man lang mabuka ang bibig.

 

Sino ang madaling makakuha ng mabisang gamot, makapamili sa mamahaling tindahan, at makapasok sa mga exclusive na gusali?

 

Sino ang tinatratong maayos sa paaralan, sa gobyerno at maging sa simbahan?

 

Halata naman yata! Hindi patas ang mundo sa mahihirap, mahihina, walang pinag-aralan at mga busabos ng lipunan.

 

Sa mundo ngayon, ang tindi ng diskriminasyon, pagtataboy at pagpapahirap ay nararamdaman ng mga taong nasa gilid-gilid ng pamayanan.

 

Parang ang hirap isipin pero nangyayari ito sa panahong umusad na ang teknolohiya, laganap na ang karunungan, at naging maliit ang mundo dahil sa social media.

 

Hindi ang Diyos ang hindi patas. Tayo ang hindi patas sa pagturing sa isa’t-isa. Sa pagbasa ngayon (Ezek 18), tinatanong ng Panginoon: “hindi ba ang kilos ninyo ang hindi patas?”

 

Ang Diyos nga ang nagtuturo sa atin ng pagiging patas, makatarungan, pantay… at ito ay ang daan ng kanyang awa, pagiging malapit, pagmamahal sa mga tinanggihan ng iba, lalo na ang mga makasalanan!

 

Kung hahayaan tayo, uunahin natin tiyak ang ating bulsa, hahakutin natin ang mga kailangan natin sa ating mga bahay, aakyat tayo ng hagdan kahit may matapakan, uubusin ang pagkain sa lamesa na parang walang darating pa. Ang pagiging makasarili, madamot at ganid natin ang siyang sanhi ng di pagiging patas sa kapwa.

 

Pero ang Diyos ay ama na may pusong dakila na kayang yakapin lahat, pusong maunawain na kayang patawarin lahat, pusong mapagbigay na hindi naghahanap ng kapalit, pusong patas na laging naghahandog ng pagkakataong makahabol ang mga nahuli, naligaw at nakalimutan ng iba.

 

Ang kailangan lang ay pusong magsasabi ng “Opo” sa kanyang paanyaya na sumunod, na tumalima at na magmahal sa kanya. At ito ay patutunayan ng awa… ng ating awa sa ating kapwa, lalo na sa mga dukha.

 

Bakit nagugulat tayo kapag nabasa nating pinatawad ni Hesus ang pinakamasama, na pinagbigyan ng Diyos na magbago ang sukdulang buktot, na binibigyang dangal niya pati ang dating mga sumuway at tumalikod sa kanya?

 

Ito ay dahil ang paraan na alam natin ay paghatol at paghuhusga. Gusto nating nagsasara ng pintuan, na gumaganti at nagagalit. Patas para sa atin kapag ang iba ay nasa labas lang, nasa huli ng pila at naglaho sa ating paningin.

 

Para sa makalangit na Ama at para kay Hesus na Anak niya, patas kapag nakauwi na sa tahanan ang lahat, kapag nagkasundo na at nagkapatawaran, kapag namayani ang pagmamahal at karangalan, sa kabila ng ating nakaraan at ng ating mga kasalanan.

 

Matularan nawa natin ang Panginoon sa kanyang ugaling pagpapatawad, pagbibigay, kabaitan at habag. Bigyan natin ng patas na pagtingin ang iba upang matuklasan nila, sa pamamagitan natin, ang kabutihan at pagmamahal ng Diyos na dakila.

 

Paki-share sa kaibigan…

(para sa praktikal na gabay sa buhay espiritwal, subaybayan at mag-subscribe sa youtube site: Tambuli ng Kagalakan)