IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
ANG UNAWAIN KA O IKAW ANG UMUNAWA SA IBA?
image fromt the internet
Isang babaeng nangangalakal sa drugs ang unti-unting nalululong sa trabahong ito.
Nang matuklasan ito ng kapatid niya, pinagalitan at pinaalalahanan siyang sasaktan niya ang puso ng kanilang mga magulang.
Biglang tugon ang babae na ang magulang daw, kahit mali anak, natututuhan pa rin namang tanggapin.
Ano ang tama sa pangangatwiran na ito? Totoo na nagsisikap ang mga magulang na unawain maging mga maling kilos at pasya ng anak.
At ano ang malit sa katwiran? Hindi isinasaalang-alang ng babae ang kanyang mga magulang at iba pa sa paligid niya. Siya lang ang dapat unawain. Wala siyang pakialam sa kanyang kapwa.
Sa unang pagbasa (Is. 5) gumamit ng larawan ng taniman ng ubas, ng lupain, upang ipahayag ang katigasan ng puso ng bayan ng Diyos.
Ang may-ari ng lupa ay naglaan ng pagod, puhunan at panahon para maging masagana at maganda ang ani niyang ubas.
Subalit ang ubas na inani niya mula sa lupa ay mababang uri, nakakalungkot at nakakadismaya sa may-ari. Sa huli, dapat nang wasakin ang lupa dahil hindi ito kapaki-pakinabang.
Itong “awit ng taniman ng ubas” mula sa propeta ay paglalarawan kung ano ang mukha ng kawalang-katapatan. Ito ang pagkakaroon ng kalyo ng puso para hindi makaramdam ng sakit na dulot sa ibang tao, lalo na sa mga tunay na nagmamahal sa iyo.
Ginamit sa kuwento ang isang tigang na lupa, isang walang buhay na bagay. Kung ang bagay na walang buhay ay nakakapagdulot ng kirot ng damdamin, paano pa kaya ang isang tao na balot ng pagkamakasarili at pagsasawalang-bahala sa kanyang bawat kilos at bawat pananaw.
Kapag kumikilos tayong hindi tapat, sa maliit o malaki mang bagay, di natin pansin ang kabutihang tinatanggap natin, ang kagandahang-loob na ipapakita sa atin, at ipinagpapalit natin sa mga ito ang ating pagiging makasarili at manhid.
Kapwa ang unang pagbasa mula kay Isaias at ang Mabuting Balita (Mt 21) ang nagpapakita ng reaksyon ng Diyos sa taksil niyang bayan – hindi lamang kalungkutan kundi sumasabog na galit; tamang magalit dahil sa laki ng kasalanang ginawa.
Habang nabubuhay tayo sa mundong ito, hindi natin maiiwasang maging makasarili. Bahagi ng ating pagkatao na hanapin ang sa tingin natin ay mabuti sa atin.
Subalit bilang mga Kristiyano, ipinapakita ng Panginoong Hesus kung paano suklian ng pagmamahal ang pagmamahal na tinatanggap, kung paano pigilan ang pagkamakasarili at pagkamanhid sa damdamin ng iba, maging ng Diyos o ng kapwa.
Sa anong paraan kaya tayo nagiging madaling maging taksil sa Diyos at sa ating kapwa?
Hindi tayo hinahatulang ng Diyos dahil tayo ay mahina; sa halip lalo niya tayong tinatawag na maging tapat at bukas sa kanyang biyaya.
Ang dahilan kung bakit tayo nagdarasal, nagbabasa ng Bibliya at tumatanggap ng mga sakramento ay dahil sa kailangan nga natin ang inspirasyon, ang pag-ganyak at ang pagtulong ng Panginoon upang maging tapat. Maaaring may dumating na biglang himala isang araw… o kaya naman maaaring buong buhay nating batahin ang hamon na tumayo tuwing babagsak, magsimula muli tuwing magkakamali sa landas ng pagiging isang mabuting alagad niya.
Paki-share sa isang kaibigan…
Dalawin po at mabiyayaan sa youtube channel na: Tambuli ng Kagalakan… salamat po!