IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
IYAK LANG KUNG KAILANGAN…
Dati ang virus akala ko ay sa computer lang nanggugulo at madali rin namang alisin.
Dahil sa pandemya, nabaling ang isip natin sa virus ng medisina, na dati mga scientist lang ang nakakaisip.
Hindi natin inakala na ang di nakikita at di nararamdamang virus pala ay kayang yugyugin ang mundo at baguhin ang buhay ng tao.
Nabaliw ang mga scientist kaiisip, nabulabog ang mga pulitiko, nayanig ang sistema ng edukasyon, natigil ang mga negosyo, napalis ang tao sa kalsada, at namatay ang napakarami sa mundo.
Palagay ko, sa personal na aspeto, napaiyak ng virus ang marami sa atin.
Umiyak tayo sa paghihirap ng maysakit at sa kamatayan ng mahal sa buhay. Umiyak tayo sa naluging negosyo at sa supply ng pagkaing nagkakaubusan.
Umiyak tayo nang mawalan ng trabaho, at nawalang ng pang-tuition. Umiyak tayo sa mga simbahang nakapinid, at sa mga bahay at pamayanang naka-lockdown. Umiyak tayo sa maraming kadahilanan dahil sa covid na yan.
May kaibigan akong masyadong naapektuhan ng pandemya na hindi daw niya malaman kung kelan ba siya titigil ng pagluha.
Ano ang sabi ng ating pananampalataya tungkol sa luha?
Maliban sa natural na daluyan ng ating kalungkutan, dalamhati at takot, ang luha ay may kapangyarihang espiritwal. Nakakalinis ito ng ating budhi at kasalanan. Nakatutulong kapag wala na tayong mabigkas na dasal. Kusang tumutulo kapag nadampian tayo ng awa ng Diyos.
Naaakit ng mga luha ang Diyos palapit sa atin. Sa unang pagbasa (Is 25) sabi: “Papawiin ng Panginoong Diyos ang luha sa kanilang mga pisngi.” Hindi manhid ang Diyos sa paghihirap ng tao. Hindi niya nais na makitang umiiyak ang mga anak niya sa takot, lungkot o gutom.
Ang plano ng Diyos ay malaki at masayang piging para sa atin. Sa Mabuting Balita (Mt 22), nandoon ang kuwento ng hari na nag-aanyaya sa mga tao sa kasalan ng kanyang anak.
Pero hindi madaling makisaya kung lumuluha ka. Alam ng Diyos na dahil sa luha, maraming mga tao ang hindi kayang makigalak o makikain sa piging.
Kaya ang pangako niya ay napakaganda: papawiin ang mga luha. Nakakikilabot. Ang Diyos mismo ang magpupunas ng luha mula sa ating mga mata.
Ito ang pangako ng awa, ang pangako ng tulong ng Panginoon. Kapag umiyak tayo sa harap ng Panginoon, hindi tayo mabibigo. Babangon tayong muli, magsisimulang muli, ngingiti muli, mabubuhay muli.
Kaya nga, ang paanyaya ng Panginoong Hesus sa atin ngayon: huwag ikahiya ang luha. Tama lang na umiyak sa harap niya. Ibahagi sa kanya ang mga paghihirap natin, dahil, nakikiiyak siya sa atin. At sa kanyang tamang panahon, papalitan ang ating mga luha ng ngiti at halakhak.
Manalig ka dito. Umasa ka dito. Tanggapin ang pangako!
(Paki-share sa iba…)