IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
Sa unang pagbasa (Exo 22) may paalala sa mga naniniwala sa Diyos: huwag mang-api, huwag manakit, huwag mandaya, huwag magnakaw, sa halip, tularan ang Diyos na maawain.
Ibig sabihin, kung natagpuan mo talaga ang buhay at tunay na Diyos, dapat tumulong ka kesa manakit, magpabangon kesa mambagsak, magbigay kesa magkamkam, umunawa kesa humusga. Patunayan daw ang pagmamahal sa Diyos sa pagkilos tulad ng Diyos tungo sa mga pinakamaliit sa ating paligid.
Ito rin ang mensahe ng Mabuting Balita (Mt 22): iisa lang ang batas ng pag-ibig na dapat ipakita sa dalawang paraan – pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa tulad ng sa sarili mo.
Ang pagmamahal sa Diyos ay espirituwal, hindi nakikita subalit dapat itong maipahayag sa natural, sa kongkreto, sa mundo ng tunay na mga tao. Kaya ang tanong ay: paano mahalin ang Diyos sa paraang dumadaloy din ang pagmamahal na ito sa pakikitungo sa ating mga kapatid?
Ang mungkahi ko ay simple. Mahalin ang Diyos sa makatotohanang paraan sa pag-trato sa kapwa nang may kabaitan. Ang kabaitan o kindess ay kaloob ng Espiritu Santo sa ating puso ayon sa Gal 5:22.
Kung may kabaitan, iiwasan natin ang karahasan, magiging sensitibo tayo sa kapwa, at hindi makakalimot na pasayahin ang iba. Paano ba maging mabait ayon sa diwa ng Diyos?
Una, maging mabait sa puso ng iba. Madalas magsakitan ang mga tao sa damdamin ng isa’t-isa sa pananalita. Sinasaktan din natin ang iba sa pagbale-wala. Salita at kilos na walang pakundangan, yan ay tila espadang humihiwa sa puso ng iba. Maraming namamatay sa lungkot dahil nasaktan ang kanilang puso. Maraming nabubuhay sa sakit dahil hindi naging mabait sa kanila ang kapwa nila.
Ugaliing ngumiti sa iba (kahit naka-face mask, oo!), mag-encourage, at iparamdam sa kanilang mahalaga at minamahal sila.
Ikalawa, maging mabait sa katawan o katauhan ng iba. Malupit ang mundo. Maraming karahasan sa bahay, sa lansangan at sa pamayanan. Walang paggalang sa mga babae, matatanda, bata at mga mahihirap ang nagaganap. Maraming kayod-kabayo sa ating mga bahay na hindi man lang natin tinatanong kung pagod na o baka maysakit o masama ang pakiramdam.
Tratuhin mo ang iba tulad nang nais mong pagtrato sa iyo. Magbahagi ng pagmamahal at respeto.
Huli sa lahat, maging mabait sa kaluluwa ng iba. Kailan mo huling naisip ang kaluluwa ng kapwa mo? Naisip mo bang mag-akay ng iba palapit sa Panginoon? Nagbahagi ka ba ng Mabuting Balita sa sinuman? Nagdarasal ka ba para matagpuan ng iba si Hesus at tanggapin siya bilang Panginoon at Diyos?
Isipin din natin ang buong kapakanan ng iba. Huwag maging sanhi ng pagkasira ng pananampalatay ng iba dahil sa masamang halimbawa ng buhay.
Ang daling sabihin na mahal natin ang Diyos. Pero ang magmahal sa Diyos ay mamuhay sa kabaitan din. Ipagdasal na matanggap natin ang kaloob ng kabaitan ngayon at lagi na!
Paki-share sa kaibigan…