Home » Blog » PASKONG DI PANGKARANIWAN

PASKONG DI PANGKARANIWAN

(pagdiriwang ng Pasko matapos ang covid)

 

1

Paano kung sa pasko sa halip na tala,

Gabing madilim ang kita sa bintana?

Paano kung sa pasko sa halip na ginaw,

Ang “init naman” ang tanging sigaw?

 

2

Paano kung sa pasko ay nangungulila

Malayo sa pamilya at mga barkada?

Paano kung ang mahal mo sa buhay

Yumao, lumisan, o sadyang nakaratay?

 

REF

Pangamba, pagsubok, anumang dagok

Sa piling mo Hesus tatanggaping alok

Tiwalang aakyatin mataas mang bundok

Sa masaganang puso mo doon sasalok.

 

3

Paano kung sa Pasko lahat ay tahimik

Ang dating magulo naging walang imik?

Paano ang kutitap ng mga nakabitin

May sindi man sila ngunit matamlay na ang  luningning? (Refrain)

 

CODA

 

Kahit pa ang Pasko ngayo’y magbago

nakagisnan noon tila di na totoo

Sa kamay ng Diyos higit na pag-asa,

Doon kakamtin sagana at ligaya.

 Refrain 2x

 …. Sasalok!

 

 Himik: Dra. Beth Lacuña

titik: fr rdrm