KALULUWA… HINDI MULTO… HINDI DEMONYO! ARAW NG MGA SANTO – ARAW NG MGA YUMAO
Nakakalungkot naman sa Pilipinas na kung saan Kristiyano ang karamihan sa mga tao, kapag dumarating ang November 1 at 2, ang unang sumasagi sa isip ng mga tao ay multo at demonyo.
Laging paalala sa atin na ang November 1 ay Araw ng Lahat ng Mga Santo – All Saints’ Day. Hindi dapat gawing katatakutan ito dahil ang mga santo ay iyong mga kaibigan ng Diyos sa lupa noong nabubuhay pa at lalo ngayong nasa langit na sila.
Sila ang mga santong kilala natin sa Bible at sa kasaysayan ng simbahan – Mama Mary, San Jose, San Pedro, San Juan Bautista, Santa Clara, Santa Monica, atbp.
Panalangin at kapayapaan ang dulot nila sa atin!
Ang November 2 naman ay Araw ng mga Yumao – All Souls’ Day. Lalong hindi dapat gawing katatakutan kasi iyan ang araw ng mga pumanaw nating mga mahal sa buhay. Dapat ba matakot kapag naalala mo ang iyong yumaong magulang, kapatid, kaibigan o kamag-anak?
Hindi sila multo at hindi din sila demonyo! Sila ay mga kaluluwang namamayapa na sa langit (kaya mga banal na sila na din sila kahit hindi pormal na kinikilala sa simbahan). O kaya mga kaluluwang naghihintay ng pagdadalisay sa Purgatoryo bago makahantong sa langit, kaya atin silang ipinagdarasal.
Nakakalungkot lang kasi sasabayan sa tv ng mga palabas na horror at ng mga feature na tungkol sa exorcism o paranormal experts… na walang kaugnayan sa All Saints’ at All Souls’ Days.
E nagpaparamdam ba ang mga kaluluwa ng mga yumao… at lalo na ang mga santo o mga banal na tao? Pwede! Kung papayagan ng Diyos ang mga ito na may gampanang natatanging misyon para sa Panginoong Hesus ukol sa kabutihan o kaligtasan ng iba, maaari iyon. Kaya nga may mga heavenly apparitions na nagdadala ng mensahe ng kabutihan at kaligtasan.
Hindi para manakot o manindak o mambulabog!
At ito ay hindi pangkaraniwang nagaganap – kundi minsan lamang at pag tapos na ang misyon ay hindi na mauulit.
Anumang espiritwal na nananakot o nanggagambala o naghahasik ng masamang mensahe ay hindi kaluluwa ng mga banal o yumao kundi mga masasamang espiritu, ayon na rin sa mga eksperto sa exorcism sa simbahan.
Huwag silang papansin o ie-entertain sa isip man o sa pakikipag-usap. Sa halip ay magdasal agad sa Panginoong Hesus, sa Mahal na Birhen at sa mga Anghel na Tagatanod natin.
At lalong wag silang pagtuunan ng pansin sa panahon na ang isip at puso ay dapat naka-focus sa mga Santo at Santa sa langit at sa mga Kaluluwa ng ating mga minamahal sa Purgatoryo.
Ang hirap kasi ay pilit ginagawang bahagi ng ating kultura ang Halloween ng mga Amerikano na hindi naman bahagi ng ating kultura at pananampalataya.
Sayang na natabunan nito ang mga tradisyon tulad ng “Pangangaluluwa” (tila ito caroling na ang mga awitin ay ukol sa mga kaluluwa o mga religious songs) na isang makabuluhang gawain noon ng mga tao upang ipaalala ang tunay na kahulugan ng November 1 at 2. Ito ang dapat ibalik at pagyamanin sa ating mga pamayanan.
May kapilyuhan lang sa Pangangaluluwa na ang tawag ay “santorum” (sanctorum siguro root word nito sa latin – “of the saints”) kung saan ang ibang kasama sa Pangangaluluwa, habang umaawit ang iba, e ang puntirya naman ay ang mga manok sa silong ng bahay. Bawal naman daw magreklamo kapag nanakaw ang mga hayop sa panahon ng Undas kasi kinuha daw ito ng mga “kaluluwa.” Pero ang totoo, kinuha ito ng mga kasama sa choir nila. Na-santorum, ika nila, ang mga hayop. Kapilyuhang Pinoy!
pls share with a friend… kung hindi, mumultuhin ka!