IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
PARA SA – HINDI LABAN SA – KATOTOHANAN
Malungkot marinig na ang panahon natin ngayon ay post-truth na daw. Bantad na sa kasinungaligan at madaling maniwala sa mali. Kahit mga president ay kayang manloko ng mga simpleng tao. Sa social media kayang magpakilos ng tao batay sa maling text message, o kalokohang post sa FB o prank sa twitter. Ang tamad na nating maghalungkat ng libro, ng kasaysayan, ng masusing pag-aaral kasi mas madali ang tumanggap na lang at mag-send ng fake news. Hindi na pinaghihinalaan ang kasinungalingan at ang totoo ay tinatakpan at hindi pinapansin.
Hindi makayanan ng mga Israelita na madinig nang diretso ang Diyos dahil natatakot sila (Dt 18). Ayaw din nilang mapagmasdan ang mga himala niya kasi nasisindak sila. Kaya sa kabutihan ng Diyos, nangako siyang magpapadala na lang ng propeta, isang taong tulad nila; hindi nakakasindak, hindi nakakailang. Ang propeta ay taong ipinadala ng Diyos upang magsalita sa kanyang ngalan. Isa itong tagapagsalita, sugo, tagapagpahayag ng mga lihim na nais ng Diyos na ibunyag sa kanyang bayan.
Kay Hesus matatagpuan ang taluktok ng pagiging propeta. Nagsasalita siya ukol sa Salita ng Ama, sa katotohanan ng kaligtasan, sa pagbubunyag ng Diyos sa paraang mauunawaan ng mga tao gamit ang kanilang wika, sagisag at halimbawa. At kalakip ng katotohanan, nagpakita rin si Hesus ng kapangyarihan – na magpagaling ng maysakit, magbuo ng nawasak, magpalayas ng masasamang espiritu, magpabago ng puso. Ang mensahe ay makapangyarihan dahil ito ay totoo. Ito ay makapangyarihan dahil ito ay mabisa.
Sino ang pinaniniwalaan mo? Madali ka bang mahila ng opinyon ng iba, ng tsismis, ng prejudice? O personal ka bang naghahanap ng katotohanan? Makinig kay Hesus upang malaman ang katotohanan na magpapabago ng buhay mo at ng kapwa mo.
paki-share sa kaibigan… God bless po!