IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA B (JN 3: 13-21)
TANGING MENSAHE NIYA AY PAGMAMAHAL
Abala sa paghahanda ng isang bagay ang babae nang madinig niyang may kumakatok. Naisip niyang kapag hindi niya pinansin, aalisin din ito agad. Subalit dumalas at lumakas pa ang mga katok. Kaya tumungo siya sa pintuan upang umalis na lang agad sinuman iyon. Nang buksan niya ang pinto, isang nakangiting bata ang may dalang leaflet, isang paanyaya mula sa simbahan sa kanto. “Ano’ng kailangan mo?” tanong ng babae. Sagot ng bata: “Gusto ko lang pong sabihin sa inyo na mahal na mahal kayo ni Jesus at inaanyayahan niya kayo magsimba sa Linggo.” Mabilis na tumakbo papalayo ang bata.
Gulat na gulat ang babae. Hindi siya makakilos sa pintuan at biglang umiyak. Ang tagal na kasing walang nagsasabi sa kanya na minamahal siya. Biyuda na siya, at nakabukod na ang mga anak. Abala siya kanina kasi inihahanda sana niya ang kanyang suicide; nais niyang magpakamatay. Pero ngayong narinig niyang mahal na mahal siya ni Hesus, nais niyang tuklasin pa ang kahulugan nito. May dahilan pala para mabuhay pa siya!
Kapag Kuwaresma, karaniwan nating iniisip ay sakripisyo, pagsisisi, debosyon, tradisyon, samantalang ang puso ng panahong ito ay pag-ibig. Gayun na lang ang pagmamahal ng Diyos sa atin na ipinadala niya ang kanyang Bugtong na Anak, si Hesus upang magdusa at mamatay para hugasan ang ating mga kasalanan. Naparito si Hesus upang yakapin ka; samahan ka; paalalahanan ka araw-araw na mahal ka niya! Maaaring sabihin ng ibang tao sa iyo: makasalanan ka; loser ka; sayang ka; di ka na magbabago! Kaya tuloy ang daming taong nabubuhay na guilty, malungkot, depressed, naaawa sa sarili, at hindi makalampas sa kanilang mga kasalanan at pagkakamali.
Ngayong gitna na ng Kuwaresma, inuulit ng Diyos ang tanging salitang laan niya para sa iyo: Mahal kita! Binabangit ni Hesus ang pinakamahalagang mensahe mula sa puso niya at sa puso ng Ama: Mahal kita. Lumapit ka sa akin dahil may dahilan para ikaw ay mabuhay, para lumigaya, para maging payapa ang buhay. Pagnilayan natin ang pag-big na ito na handog ng Panginoon at tanggapin natin ngayon! (paki-share po sa mga mahal sa buhay… Salamat sa internet sa photo sa itaas)