Home » Blog » PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOONG HESUKRISTO B

PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOONG HESUKRISTO B

 

HINDI SA ITAAS KUNDI SA IBABA…

 


 

 

Apatnapung araw na mula nang mabuhay mag-uli si Hesus. Nagpakita siya at nagturo sa mga alagad upang ihanda sila sa misyon. Binigyan niya sila ng kapangyarihang mangaral sa paraang makapangyarihan at makaaakit maging ng kanilang mga kaaway. Binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng kababalaghan, ng himalang di pa nakikita sa mundo, upang maniwala ang mga tao sa kanilang sinasabi.

 

Kung hindi mahikayat ang mga tao sa salita, mahihila sila ng mga gawa. Kung nahila na sila sa pamamagitan ng mga himala, magkaka-interes silang makinig sa salita. Nasa langit na si Hesus subalit ang kapangyarihang espirituwal niya ay nananatili pa rin sa lupa.

 

Ang mga tanda na ibinigay ng Panginoong Hesus sa mga alagad ay makapangyarihan: pagpapalayas ng mga demonyo, kaligtasan sa panganib, pagsasalita ng mga wika, pagpapagaling. Kay daming nakatalang ganito sa Bibliya, sa salaysay ng nagsisimulang simbahan, at sa buhay ng mga santo at santa na biniyayaang maghimala para sa kapakanan ng mga nangangailangan at ng mga nag-aalinlangan.

 

Pero nasaan na ang kapangyarihang ito? Bakit hindi natin namamasdan? Nasaan ang mga alagad na gagawa ng kababalaghan sa ngalan ni Hesus? Sa paniwala ko, hindi naglalaho ang mga himala sa panahon natin. Kung ang mga alagad ay gumawa ng himala ng kapangyarihan, ngayon tayong mga Kristiyano ay gumagawa naman ng himala ng habag at malasakit.

 

Panalangin natin ay malusaw ang pandemya, pero lalong lumala ito! Wala bang bisa ang panalangin? Hindi ba tayo sinagot ng Diyos? Pero masdan mo ito. Hindi inalis ng Panginoon ang pandemya upang lubos nating makita ang tunay na himalang nagaganap.

 

Himala ang magbawas ng imbak sa bahay para ialay sa community pantry at ibahagi sa nagugutom. Himala na ang mga frontliners ay inuuna ang kapwa bago ang saril at ang kanilang pamilya. Himala na patuloy nagtuturo ang mga guro kahit karampot ang suporta at minsan mahirap maghatid ng mga modules. Himala na naging pansamantalang simbahan natin ang social media na laging may Salita ng DIyos, Misa at mga debosyon. Himala na naging malikhain ang mga tao sa pagtulong sa isa’t-isa at sa pagiging mabuti at maunawain sa gitna ng lockdown at pagkukulong sa bahay.

 

Kung naghahanap ka ng himala, e huwag kang tumingala! Ibinigay na ni Hesus sa puso mo ang kapangyarihang gumawa ng himala. Tingnan ang sarili at tanungin ang sarili kung naibabahagi mo ba ang pag-ibig at habag niya bawat araw. Si Hesus ang nagbibigay ng kapangyarihan. Tayo naman ang inaasahang magpamudmod ng himala ng pagmamahal sa sanlibutan.