IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
ANG DISKRIMINASYON AY SAKIT
MK 6:1-6
Nang ma-ordinahang pari ang isang seminarista, nagbunyi ang lahat ng kamag-anak ng kanyang ina. Subalit ang mga kamag-anak ng kanyang ama ay nagkibit-balikat at nagbale-wala lamang. Bakit? Kasi ang tatay niya noong bata ay rebelde, hindi nakapag-aral, at isang abang manggagawa. Kung paanong minaliit ng mga kamag-anak ang ama, ganun din nila itinuring ang anak kahit pari na ito ngayon.
Nakaranas ang Panginoong Hesus ng ganitong tagpo sa kanyang buhay nang hindi matanggap ng kanyang mga kapitbahay, ilan marahil ay kamag-anak pa, na siya ngayon ay isa nang mangangaral ng Salita ng Diyos (Mk 6). Paano sila maniniwala sa kanya e, kilala siya bilang hamak na karpintero, at anak ng biyudang kapitbahay na si Aling Maria, at ang mga kapatid (sa katunayan ay mga pinsan) niya ay walang mga sinasabi sa kanilang bayan. Nakaramdam ng kirot sa puso si Hesus nang isarado nila ang kanilang puso sa kanyang pagdating at sa kanyang pagtawag.
Ang lungkot talaga na pinababayaan pa rin natin ngayon na mabulagan tayo dahil sa ating diskriminasyon at pamimili ng taong pakikisamahan o tatanggapin. Sa maraming lugar, ipinu-puwera ang mga banyaga, o ang ibang lahi, ibang relihyon, ang mga mahihirap o ang mga gay community. Kaydaming mga taong minamaliit ng iba, hindi sa kagagawan ng mga ito, kundi dahil sa katangahan at kayabangan ng mga nangmamaliit sa kanila.
Sinasabi sa Mabuting Balita ang kawalang kakayahan ni Hesus na maglingkod sa kanyang mga kababayan dahil sa kanilang pagtanggi sa kanya bilang propeta ng Diyos. Ito ang isang malaking kabiguan ni Hesus. Hindi siya nagtagumpay sa misyong mangaral at magbago ng puso ng kanyang mga minamahal. Kabaligtaran naman, na tinanggap ang Panginoon at pinakinggan sa ibang lugar na masayang sumalubong sa mensahe niya ng kaligtasan.
Kapag nag-puwera tayo ng mga tao sa ating buhay, akala natin matagumpay tayong pinangalagaan natin ang ating sarili sa mga taong hindi natin gusto. Ang totoo, pinigilan nating maranasan ang kabutihang maaaring dala nila sa ating buhay. Kaya hindi tayo nabibiyayaan kundi nagiging higit pang nawawalan dahil sa ating kabulagan at kayabangan.
Magdasal tayong masidhi na huwag sanang magtakwil ng iba dahil sa ating mapangmatang ugali na akala natin mas mataas o mas magaling tayo sa iba. Baka tinatanggihan natin ang Diyos na nagdadala ng mensahe, pag-asa at pagmamahal sa pamamagitan nila. Manalangin tayo sa halip, na magkaroon ng bukas, mapagpakumbaba at mapagtanggap na puso upang maging laging handa sa darating na kaligtasang kaloob ng Diyos sa atin.