Home » Blog » IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


MISYONG MAKAPANGYARIHAN

Mk 6: 7-13

 


 

 

Nang buhay pa si Fr Suarez, and healing priest, napansin na kahit hindi niya kakilala ay kinakawayan niya sa kalsada. Nang tinanong siya dito, sagot lang niya na maraming nagsabi na sa simpleng kaway lang niya ay gumaling na sila sa karamdaman.

 

Hindi lamang isinugo ng ating Panginoong Hesukristo ang 12 mga alagad sa misyon; at binigyan pa din sila ang kapangyarihan laban sa mga demonyo! Kay dakilang kapangyarihan! Subalit paano nga ba magagawa ito kung walang kahit anuman ang mga alagad? Pansinin na bilin ng Panginoon: walang pagkain, walang lukbutan, walang salapi. Bawal magdala ng packed lunch, ng backpack, ng cash, credit card o Gcash!

 

Sa kabila nito, matagumpay ang mga alagad laban sa mga demonyo at sa pagpapagaling sa marami. Paanong ang mga taong walang-wala ay makagagawa ng kahanga-hanga? Simple ang sagot dyan: dahil walang-wala sila, alam nila bale-wala sila sa mundo, si Hesus mismo ang kikilos sa pamamagitan nila, sa buhay nila. Ang kailangan lamang nila ay dalhin si Hesus sa kanilang puso at ibahagi siya sa mga tao.

 

Ang isang nakapagpapalayo sa mga tao sa simbahan ngayon ay ang napapansin nila na ang mga modernong alagad ay nakakabagot, hirap maka-relate, kulang sa katapatan, mababaw at masyadong makamundo. Aminin nating lahat tayo, pari at lingkod layko, ay maraming bitbit na basura sa buhay natin. Nagpapanggap tayong malalim, nangangaral tayong lampas sa ulo ng mga tao, gusto natin ang ginhawang buhay, at kaydami nating mga abubot at ari-arian na wala nang puwang ang Diyos sa kalagitnaan ng ating buhay.

 

Matapos ang Pagkabuhay, sinabi ni Pedro sa isang lumpo: “Ginto at pilak wala ako nyan, subalit sa ngalan ni Hesus Nazareno, tumayo ka!” Ilan ang makapagsasabi ng ganyan ngayon: ginto at pilak wala ako nyan? Dahil masikip ang buhay natin sa dami ng pag-aari o sa mga maling gawi, ito mismo ang nagiging bara sa pagitan natin at ng biyayang dapat sana ay malayang dumadaloy sa pamamagitan natin.

 

Nananawagan si Pope Francis ng simbahang puno ng kapangyarihan ni Hesus, isang simbahang simbahang dukha, simple, at tapat. Manalangin tayong mabawi natin ang kapangyarihan ng Mabuting Balita, ang kapangyarihan ng pangalan ni Hesus, na bumubulwak sa ating mga puso dahil si Hesus ang tanging sentro ng ating buhay, wala nang iba pa.