IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MAGTITIWALA PA DIN!
JN 6: 60-69
Na-stroke ang isang lay minister namin. Regular ko siyang dinalaw, pinagdasalan, at sinikap aliwin. Nang tumagal at hindi pa siya gumagaling, nagsimula na siyang magtanong. Bakit hindi pa ako gumagaling? Bakit ba nangyari ito? Bakit ako pa sa dami ng tao? Sa mga sumunod kong dalaw, ayaw na niyang makipag-usap, ni ayaw akong tingnan at sa pader lang nakabaling.
Maging ang mga tagasunod ng Panginoong Hesus ay nahirapang tanggapin ang sermon niya ukol sa pagiging Tinapay ng Buhay. Maraming bagay, kahit sipatin pa sa angulo ng pananampalataya, nagiging mahirap unawain, tanggapin, at bigyang kahulugan.
Bakit tayo nagkakasakit o nagkakaproblema o nawawalan ng mga minamahal o nahuhulog sa kamay ng malulupit na tao? Dahil wala tayong makuhang mabilis na sagot, nagsisimula ang duda, galit, himutok at pagtalikod sa Panginoon. Subalit inilalarawan ni Pedro ang damdamin ng mga alagad na dumadaan din sa ganitong mga bagay subalit nagpapasyang tumahak ng ibang landas. Patuloy silang magtitiwala, mananampalataya, magpapaubaya. “Panginoon, kanino po kami tutungo…”
Kapag nahaharap sa pagkalito, problema, palaisipan ng buhay at pananampalataya, humihinto na ba tayong maniwala? Naghahanap na ba tayo ng dagliang sagot sa ibang lugar? Iniiwan na ba natin ang pananampalataya dahil lang sa hindi natin mawatas ang mga pangyayari ngayon?
Ang buhay ay puno ng ganyang mga bagay… at makikipagbuno tayong pagkasunduin ang Salita ng Diyos at ang ating kalagayan. Manalangin tayong huwag mahila sa direksyon ng duda o kawalang pananampalataya. Sa tulong ng panalangin, labanan natin ang tuksong ito at kumapit sa ating paninindigan. Kasama natin si Hesus… Narito siya sa kanyang Katawan at Dugo sa Eukaristiya… Kanino ba tayo tutungo gayong taglay natin ang Tinapay ng Buhay!