IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MATAYOG NA PANGARAP, MALILIIT NA HAKBANG
MK 9: 30-37
Nagkukumpulan ang mga tao sa opis ni mayor para sa ayuda. Siksikan, tulakan, hablutan para mauna sa pila. Dahil dito, ang mga matatanda, bata, at maysakit ay nasa likod na lang. Nang magbukas ang opis, sumigaw ang assistant: Ready na kayo at magsisimula na; uunahin nating bigyan ang mga nasa likuran! Ngek!
Sa Mabuting Balita ngayon, nagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang una, sikat, pinakamalapit sa Panginoon. Kaya sumagot ang Panginoon: “Kung sino sa inyo ang gustong mauna ay dapat maging pinakahuli at pagsilbihan ang lahat.” Hind ba, lahat gusto una sila? Bakit kaya ganito ang payo ng Panginoong Hesus sa atin?
Palagay ko hamon ito ng Panginoon sa mga alagad at sa atin na akuin ang dalawang bagay: isang pananaw at isang pagkilos.
Iniaalay ng Panginoon ang pananaw ng kababaang-loob, hindi yung peke ha, kundi yung tunay. Ang kababaang-loob ay hindi hadlang sa matayog na pangarap o pag-unlad. Subalit kalakip nito dapat may pagtitiis, respeto sa proseso at respeto sa kapwa. Walang masamang maghangad ng malaki o mataas pero naman, dapat maging makatotohanan. Ang biglang yaman ay biglang ubos din; ang mabilis na akyat ay mabilis na pagkahulog din; ang minanang kapangyarihan ay nagiging katiwalian. Kapag inasam mo ang isang sobrang taas at hindi narating, iyan ang sangkap ng kalungkutan, kapanglawan, at depresyon.
Hinahamon din tayo ng Panginoon na pagkilos – pagkilos na may pagpupunyagi. Ang pangaral ni Hesus ay kaharian na malaki at malawak. Subalit ang landas dito ay tulad daw ng butil ng mustasa, ng mga butil na inihasik sa daan na unti-unting nagsusulputan (Mt 13). Lumalaki ang butil sa gitna ng init at ulan, pakikipagbuno sa ibang halaman, at sa panganib na baka makain ng mga ibon. Pero kapag lumaki naman, ang tagumpay nito ay matamis, dahil pinaghirapan!
Nagmamadali ka ba, kapatid, na makarating sa itaas? Sobra mo bang itinutulak ang sarili mo? Gusto mo bang iwasan ang pawis at luha? Tandaan ang payo ng Panginoon ukol sa tagumpay – kabaang-loob at pagtitiis o pasensya. Sabi din ni San Francisco de Sales: Magmadali ka, nang dahan-dahan!