Home » Blog » IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 

KONTROLIN ANG SARILI!

Mk 9:38-43, 45, 47-48

 


 

 

Mabuting Balita ba ang binabasa natin o mga salita ng Taliban? Kasi tila nakakagulat ang ikalawang bahagi ng ating pagbasa. Hindi ba’t naririnig lang natin ang mga sukdulang parusa tulad ng hagupit, pagputol ng kamay, pagpugot ng ulo, at pagpapako mula sa mga radikal na fundamentalista? Pero syempre, kay laki ng kaibahan ng ating Mabuting Balita ngayon sa mga gawaing ito ng mga terorista.

 

Kung babasahing maigi, mapapansin ang pagkakaiba. Una, walang adbokasya ang Panginoong Hesus para sa karahasan sa sinumang tao, makasalanan man ito. Ikalawa, ang kinakausap ng Panginoon ay tayo mismo nung sinabi niyang “putulin,” o “dukutin,” ang kamay o mata, na talaga namang imposible nating gawin sa ating sarili. Hindi ito literal kundi malikhaing pananalita na ang ibig sabihin ay nais ng Panginoong Hesus na tayo mismo ang mag-pigil sa ating sarili.

 

Kontrolin ang iyong mga kamay: Ang mga kamay ang kasangkapan ng pagkuha na minsan nauuwi sa paghakot. Bukas ang kamay sa pagtanggap pero sarado sa pagbibigay. Nakalahad ito sa pagsalubong pero nakahalukipkip ito kapag ayaw mo sa tao. Isang muestra ng kamay tulad ng “thumbs up” o tapik sa balikat ay nagpapalakas loob samantalang isang “dirty finger” naman ang nangmamaliit at nambabastos ng kapwa.

 

Kontrolin ang mga paa: Sa Osea, sinabi ng Diyos, na siya ang nagturo sa kanyang mga anak na lumakad. Kaya nga dapat tayong lumakad palapit sa Panginoon, pero mas madalas papalayo tayo sa kanya. Patakbo tayong pumunta sa mga aliwan pero hila ang paa kung papunta sa simbahan. Sa tulong ng paa, nadadala natin ang iba sa mabuting landas, pero dahil din sa ating paa, naililigaw natin sila ng landas. Nagmamabagal tayong kumilos kung ang usapan ay pagtulong, hanggang sa huli na ang lahat. Pero nagkukumahog tayong dumagsa sa isang lugar kapag ang usapan ay may makukuha tayo doon.

 

Kontrolin ang mga mata: Ang mga mata ay hindi neutral o walang pinapanigan. May mga taong maaliwalas sa ating paningin at may mga taong masakit sa mata. Tumitingin tayong may pag-ayon sa iba at sa iba namay ay may pandidiri. Ang mata ay nagpapakita ng pagkatuwa at pagkagiliw at kaya din namang magpakakita ng kutya at asar.

 

Nilikha tayo para mahalin ang Diyos at paglingkuran ang kapwa. Bilin sa atin ng Panginoong Hesus na kontrolin natin ang sarili para huwag mawala ang layuning ito. Panatiliin ang kamay na kasangkapan ng pagbibigay, pagtanggap at pagganyak sa kapwa; ang mga paa bilang instrument ng paghahanap at paglapit sa Diyos at paggabay sa iba na matagpuan din siya; at ang mga mata bilang malinaw na kasangkapan ng pagmamasid sa luwalhati ng Diyos at sa kagandahan at kabutihan ng bawat tao sa harapan natin.