IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MGA SANGKAP NG PAG-IBIG
MK 12: 28b-32
Sa Mabuting Balita, tinatanong si Hesus ng isang eskriba kung alin ang pinakadakila, pinaka-una sa lahat ng mga utos o batas. Agad tumugon ang Panginoon: Mahalin ang Diyos nang buo mong puso, kaluluwa, isip at lakas at ang kapwa gaya ng iyong sarili. Sa lahat ng mga batas, ang dalawang ito ang “choice,” ang may pabor sa mata ni Hesus. Paano nga ba magmahal; kasi ang pagmamahal ay hindi lang kaisipan o ideya o damdamin. Sa “choice” ng Panginoon mababakas ang gabay, ang mga sangkap ng tunay na pagmamahal sa Diyos at kapwa. Kaya nga: mahalin ang Diyos nang:
BUONG PUSO: Hindi ba, puso nga ang simbolo ng pag-ibig? Ibig sabihin, hindi ito mababaw o panlabas, o pang-tattoo lamang; ito ay nasa kaibuturan. Ang minamahal mo ang may piling lugar sa puso. Natatangi siya doon. Ang magmahal sa Diyos nang buong puso ay ang ituring siyang walang kapantay. Ang Diyos ay hindi isa sa mga mahal natin kundi ang pinaka, ang una, ang sentro ng lahat. Hindi naman nais ng Diyos na siya lang ang mamahalin natin, pero siya ang taluktok at sukdulan ng lahat nating mahal, maging tao o bagay man!
BUONG KALULUWA: Ang kaluluwa ay hindi maaaring isalarawan. Hindi kasi ito materyal na bagay e; hindi nakikita, nahahawakan, o naririnig. Nadarama ito sa kanyang kilos pero hindi mahahagilap. At ang kaluluwa ay dalisay, malinis, banayad; walang mantsa ng materyal na mundo. Kaya ang magmahal sa Diyos nang buong kaluluwa ang kahulugan ay mag-alay sa kanya kung ano ang pinakadalisay, dakila at malinis mula sa ating sarili. Iyon bang ialay sa kanya ang pinakamamahal nating kakayahan na walang iba kundi ang ating malinis na kalooban. Isinusuko natin sa Panginoon ang ating kalooban upang siya at hindi tayo ang mamayani sa mga bagay-bagay.
BUONG ISIP: Ang isip ang bukal ng katalinuhan. Dito nakaimbak ang kaalaman at karunungan na tumutulong upang magplano, magkalkula, magbalangkas. Ang magmahal sa Diyos nang buong isip ay ang magpasyang kilalanin siyang lubos, aralin ang kanyang Salita, saliksikin ang kanyang mga turo at lumago sa pakikipag-kaibigan sa kanya. Kahulugan din nito na gamitin ang pag-iisip upang maging kaaya-aya sa paglilingkod sa Panginoon. Mula sa isip nagmumula ang paghahangad na gawin ang anumang bagay para sa lalong kadakilaan ng Diyos.
BUONG LAKAS: Ang puso, kaluluwa at isip ay tumutukoy sa mataas na kakayahan ng tao. Ang mga ito ay panloob, tunay na personal at pribado. Kaya kailangang nito ng isang daluyan kung saan ang pag-ibig ay makikita, madarama, matutunghayan. Dito pumapasok ang lakas – ang lakas ng ating kamay at paa, ng ating mga “senses,” ng ating pakikipagtalastasan at pagpapahayag ng pagmamahal sa Diyos. Ito rin ang nag-uugnay sa ikalawalang batas, ang pag-ibig sa kapwa. Dahil ang kapwa ang siyang dapat na makakaranas ng pagmamahal natin sa Diyos na nakikita sa awa, paglilingkod at pagkakaisa natin sa kanila. Ang mahalin ang Diyos nang buong lakas ay mahalin ang kapwa tulad ng sarili.