IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
MAY KAPANGYARIHAN SA PAGBIBIGAY
MK 12: 38-44
Napansin ninyo siguro na ang bida ating una (1 Hari 17) at ikatlong (Mk 12) pagbasa ngayon ay mga balo o biyuda. Sa Bible, kabilang ang mga biyuda sa anawim(dukha ng Diyos) na kinabibilangan din ng mga ulila, dayuhan at mga mahihirap. Hindi lang ang mga ito dukha kundi api at puwera din sa lipunan. Kaya nga kakampi nila ang Diyos at ginagamit sila para magbigay sa atin ng makapangyarihang mensahe sa buhay.
Ang unang biyuda ay lubos na nagtiwala sa Diyos sa pagsusuko niya ng lahat niyang pagkain sa propeta kahit wala nang matira sa kaniya at sa anak niya. Matapos ito, handa na silang mamatay sa gutom. Pero nagbigkas ng pangako ang Diyos: hindi mauubos ang arina mo; hindi matutuyo ang langis mo… Grabeng kasaganaan! Natanggap ang pangakong ito hindi dahil biyuda siya kundi dahil nakita ng Panginoon na bukas-palad siya!
Napansin naman ng Panginoong Hesus ang ikalawang biyuda sa Mabuting Balita. Hindi naman malaki ang bigay niya sa templo. Kung susumahin, 2 barya lamang; hindi tulad ng malaking halagang ambag ng mayayaman. Subalit ang nakita ng Panginoon ay ang kalidad ng pagbibigay. Hindi quantity, kundi quality. Ibinigay niya ang lahat. Buong tiwala! Hindi siya kahanga-hanga bilang halimbawa dahil biyuda siya kundi dahil bukas-palad siya.
Alam ba ninyong ang ugat ng pagbubukas-palad ay ang pagtitiwala? Ang Kristiyanong mapagbigay ay mapagtiwala na sa pagbibigay, hindi siya magkukulang, kundi lalong mabibiyayaan. Kaya siya lalong nagbibigay, masayang nagbibigay, nagbibigay kahit minsan nasasaktan na. Sabi ni San Pablo, hindi mahihigitan ang Diyos sa pagbibigay. Pansinin naman natin ang madamot, kuripot magbigay; laging pakiramdam nila kulang, hindi kumpleto, hindi secure ang buhay. Hindi kailangang maging mayaman para magbigay; kailangan lang maging mapagtiwala… sa pangako ng Diyos, sa pangangalaga niya, sa pagmamahal niya.
May mga sandali na ayaw nating magbahagi sa ating simbahan o sa mga nangangailangan dahil takot tayong tayo naman ang mawawalan o mababawasan. Pero sa sandaling malampasan ang kadamutan na ito at magbahagi mula sa puso, umaapaw naman kaya ang biyaya, di ba? Ang Diyos ang gaganti at magpapala ng kalusugan, kapayapaan ng isip, pagkakaisa ng pamilya at iba pang materyal na biyaya!
Ang mga magulang ko, talagang huwaran sa pagbibigay sa kapwa; simpleng buhay pero laan lagi tumulong sa simbahan at sa mga dukha. Isang mag-asawang hinahangaan ko ay sina Mr and Mrs Plesi at Cora Hermogenes na noon pa man, namasdan ko kung gaano tumulong sa kapwa. Kaya siguro mabunga at mabiyaya ang kanilang pamilya.
Kung nahihirapan kang maging mapagbigay, huwag sulyapan ang wallet mo. Silipin ang puso mo at itanong: Nagtitiwala ba ako talaga sa Panginoon?