Home » Blog » UNANG LINGGO NG ADBIYENTO K

UNANG LINGGO NG ADBIYENTO K

 

NAGHIHINTAY SA PAGDALAW

LK. 21: 25-28. 34-36

 

fr. tam nguyen’s photo
 

 

Nakakabigla naman na ikalawang Adbiyento na pala sa gitna ng pandemya! Kaylapit na ng Pasko at nandito pa tayo! Maraming hindi umabot sa yugtong ito ng taon, subalit dahil sa biyaya ng Diyos, buhay pa at lumalaban tayo! Kailangang magpasalamat sa Panginoon!

 

Mas alam na natin marahil ang kahulugan ng Adbiyento; ang saysay ng paghihintay. Naghintay ba naman tayo sa bahay tuwing lockdown; naghintay na lumuwag ang restrictions; naghintay na mabakunahan; naghintay ng face to face sa paaralan o trabaho. Pero ang paghihintay ng Adbiyento ay hindi paghihintay na nakababagot, mabigat, o malumlom. Higit sa lahat, ito ay paghihintay sa pagdalawa ng isang minamahal.

 

Hindi ba nakasasabik kung may kaibigang dadalaw? Kung may kapamilyang sasaglit para bumati? Kung may darating na package mula sa isang nagmamalasakit? Nang mag-positive ako sa Covid, natural dapat mag-quarantine. Pero isang doktor na kaibigan ang nakaalam nito at nais akong dalawin para makita ang situwasyon. Dahil ang tagal ng huli naming pagkikita, napuno ako ng galak sa sinabi niya.

 

Subalit, naalala ko bigla ang aking kalagayan. Natakot akong baka mahawa siya. Naisip kong ang gulo ng dadatnan dahil hindi ako nakapaglilinis nang matagal. Naalala kong wala man lang pagkain o meryendang maihahain dahil nga naka-quarantine pa. Kaya sinabi kong huwag na lang siyang tumuloy. Hindi ba at may mga okasyon na sa halip matuwa, pakiramdam natin hindi tayo karapat-dapat sa dalaw ng kaibigan dahil hindi maayos ang kalagayan natin o ng ating paligid?

 

Sa Mabuting Balita, sinasabi ng Panginoong Hesus na darating siya, hindi dahil lahat ay maayos. Darating siya sa panahong tila may masamang hudyat ang araw, buwan at mga bituin; sa panahong nagugulo ang mga bansa; sa oras na maligalig pati ang dagat at mga alon. Darating siya kung kailan nabubuwal sa takot ang mga tao. Darating siya upang magpalakas, manghikayat, at magpa-payapa ng ating mga puso sa mga ganitong pagkakataon.

 

Ano ang kalagayan mo ngayon? Nakakaranas ka ba ng kaguluhan ng isip at puso, ng sigalot sa pamilya, problema sa ugnayan o sa salapi man, o ng isyu ng mental health? Ang Adbiyentong ito ay para sa iyo. Pabayaan mong dalawin ka ng Panginoong Hesus at yakapin ka. Pabayaan mong dalawin ka niya at punuin ng pagmamahal. Pabayaan mong pawiin niya ang iyong mga takot at pangamba.