Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO K

IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO K

 

UMASA SA PANGINOON

LK 3: 1-6

 


 

 

Nitong nakaraang Linggo, nagnilay tayo sa Adbiyento bilang panahon hindi lamang ng paghihintay kundi ng pananabik sa pagdalaw ng isang minamahal, ng isang nagmamahal, ng isang sabik na dumadalaw anuman ang kalagayan ng ating buhay. Sa katunayan, lalong tayo ay maysakit, basag, nagdurusa, at nasasaktan, doon siya dumadalaw. Ang Diyos ay dumadalaw upang ipadama ang kanyang pagmamahal.

 

Ngayong ikalawang Linggo na, pagtuunan natin ng pansin ang isa pang aspekto ng Adbiyento – ang pag-asang sumisibol sa ating puso. Ang Mabuting Balita ngayon ay umaapaw sa pag-asa. Masdan ang isinasalarawang pag-asa ng propeta: ang lambak at tatambakan, ang bundok ay papantayin, ang liku-liko ay tutuwirin, at ang baku-bako ay aayusin. Pag-asa ito sa malawakang pagkukumpuni ng kalagayan ng mundo.

 

Si Juan Bautista ay tanda ng pag-asa. Nangangaral siya ng pagsisisi. Tumatawag siya sa pagbabalik-loob ng makasalanan dahil ngayon ay narito na ang kapatawaran at bagong buhay. Nangaral ng pagsisisi si Juan subalit si Hesus lamang ang susi ng tunay na buhay na bago at walang hanggan para sa lahat ng sasampalataya sa kanya.

 

Matingkad ang pag-asa kung ang kalagayan ng tao ay makulimlim, kung ang tao ay nasa gitna ng dilim. Umaasa tayo kapag hindi maaninaw mabuti (Rom 8:24), dahil hindi na pag-asa kung ang inaasam natin ay nasa harap na natin. Tinuruan tayo ng pandemyang ito na pahalagahan ang mga bagay na nagdudulot sa atin ng pag-asa – umasa sa kagalingan, umasa sa paghilom, umasa sa pagbabalik sa normal, umasa sa kalusugan at buhay… at sa buhay na walang hanggan.

 

Nang ang matalik kong kaibigan ay biglaang naospital, ginawa kong regular ang pagkontak sa kanya upang himukin siyang lumaban, manatiling positibo, at magpakatatag sa pananampalataya sa Panginoong Hesus at sa kanyang sarili. Pinaalalahan ko siyang lagi na nasa kamay ng Diyos ang ating kinabukasan, nasa puso niya ang ating kabutihan, at nasa banal niyang kalooban ang ating kapayapaan ng puso. Kapag bumabagtas ang tao sa isang madilim na landas, nariyan ang tukso na mahulog sa depresyon, awa sa sarili, at katamarang kumilos pa. Kailangan nila ng pag-asa upang patuloy na maghangad ng liwanag na ipinangako ni Hesus na Panginoon natin sa lahat ng mga sumasampalataya sa kanya.

 

Nasaan ang pag-asa sa buhay mo ngayon? Nakatutok ka ba sa mumunting bagay o sa umaasa ka ba sa mga dakilang bagay? Bagamat may mga tanda ng pag-asa sa maliliit at malalaking pangyayari sa buhay, ang hangad ng Diyos para sa atin ay umasa sa kanyang kadakilaan, kapangyarihan, at lakas! Umasa sa Diyos, ngayong Adbiyento, at hindi niya tayo bibiguin! Amen.