IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO K
TANGGAPIN ANG KANYANG KAGALAKAN
LK. 3: 10-18
Noong unang linggo, pinagnilayan natin ang Adbiyento bilang pagdalaw ng Diyos; noong ikalawa, bilang pag-asang handog ng Panginoon. Ngayong papalapit na ang Pasko, medyo dama mo na din ba ang kagalakan ng Panginoon?
Paano makakatakas sa mensahe ng kagalakan? Paanyaya ni Propeta Sofonias na magsisigawa sa galak at kay San Pablo naman, damahin daw ang galak sa ating puso! BInanggit ni San Lukas sa ang mga salitang “mabuting balita” o ebanghelyo, na isang mensaheng puno ng kaligayahan.
Talaga namang itinutulak tayo ng panahong ito sa kagalakan. Kahit ang mga paghahanda sa Pasko ay naglalayo sa atin sa mga dusa upang kahit bahagya ay mapangiti man lang. Tingnan ang parol, masdan ang Christmas tree at mga ilaw. Amoyin na ang bibingka at hangaan ang ganda ng hamon. Kahit ang simpleng pagbabalot ng regalo may dalang pakiramdam ng saya.
Ang kagalakan, bilang regalo ng Diyos, ay kaiba sa halakhak. Humihinto ang halakhak kapag nagsimula nang dumaloy ang luha. Mahirap tumawa kapag nababagabag, natatakot, maysakit o nagluluksa. Subalit ang kagalakan ay mahalagang pakiramdan ng puso na walang sinuman o anumang makakanakaw mula sa atin.
Nakakaranas ng galak ang mga mahihirap sa gitna ng kanilang simpleng buhay. Ang mga maysakit ay nagagalak sa piling ng mga mahal sa buhay na nag-aalaga sa kanila. Ang mga namatayan ay payapang tinatanggap na nasa mabuting lugar na ang yumao. At kahit nga pandemya di ba, hindi tayo naubusan ng paraan upang ipakita at ibahagi ang galak para gumaan ang situwasyon?
Mula sa mga pagbasa, malinaw na ang galak ay bunga ng pakikipagtagpo sa Panginoon. Yung alam mo na malapit siya, na mahal ka niya, na inaalagaan, ipinagtatanggol at binabasbasan ka niya. Ang pagkilala sa mga biyaya araw-araw ay dahilan para maging mapagpasalamat. Lalong nagpapasalamat, lalo din tayong nagiging puno ng galak.
Mula kay San Francisco de Sales, natutunan kong pasalamatan ang Diyos sa munting “muling pagkabuhay” ko tuwing umaga. Mula kay St. Benedict, natutunan kong pasalamatan ang Panginoon sa bagong pagkakataong “magbagong-buhay” bawat araw. May ngiti, pinasasalamatan at tinatanggap ko sa umaga ang nakalaang mga grasya ng Diyos para sa akin. Sa gabi naman, isinusulat ko sa aking journal ang limang pangyayari na nais kong ipagpasalamat sa Diyos na naganap sa maghapon.
Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na magalak na! Yakapin ang kanyang pamamahal at danasin ang galak na hindi kumukupas kundi lumalago habang tayo’y nagpapasalamat at nagmamalasakit sa kapwa.
(Simbang Gabi readings and reflections will be shared here starting Dec. 13, 2021 from the book “Where is the Child?” Hope it helps you to reflect on the Simbang Gabi novena Masses for Christmas. Thank you!)