KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK K
MISS MO BA SIYA?
LK. 2: 41-52
Nadudurog ang puso ko tuwing may madidinig akong kwento ng nawawalang anak. Grabeng hinagpis ang dulot nito sa isang ina. At pati ang bata, sa paglaki niya ay hinahanap ang kalinga ng kanyang sariling pinagmulan, ang init ng pagmamahal ng tunay niyang mag-anak. Kung magkatuntunan man pagdating ng panahon, sobrang tindi ng emosyon.
Ganito ang naganap kay Jose at Maria na biglang natuklasang nawawala pala ang kanilang Anak habang pauwi sila galing sa Templo. Ipinahayag ni Maria ang sindak ng kanilang karanasan: ang iyong ama at ako ay puno ng matinding pag-aalala. Mula ito sa pusong nagdurusa. Tila gumuho ang mundo ni Jose at Maria nang biglang nawala sa kanila si Hesus.
Sa panahon ng Kapaskuhan, may kirot na nararamdaman kung ang mga mahal natin ay malayo; kung hindi maabot; o kung tuluyan nang namaalam. Ang Pasko kasi ang panahon ng pagkakaisa at pagmamahalan. Kaya nga ito panahon ng mga mag-anak, ng ating mga pamilya.
Ngayong taon, ilan sa atin ang mga may ka-pamilyang nasa ibang bansa bilang seamen, nars o domestic worker. Ang iba siguro ay magpapasko naman sa ospital at mahigpit ang pagdalaw. At may ibang mahal natin na sa taong ito ay kinuha na ng pandemya o ibang karamdaman. Kahit nais nating magkasama, maraming dahilan upang mangulila, sa halip na makalinga, ang ating mga minamahal.
Natuklasan nina Maria at Jose ang kagalakan sa pagkakatagpo kay Hesus bilang sentro ng kanilang buhay. Hindi lamang noong isilang siya tinanggap nila si Hesus sa pamilya. Kundi sa buong buhay nila, si Hesus ang pinakamalaking biyayang ipinagkaloob sa kanila. Nang matagpuan muli nila sa Templo si Hesus, humupa ang kanilang pangungulila at pangamba. Kung paanong nasa puso nila si Hesus, sila din ay nasa puso niya pala! At kahit hindi magtatagal si Hesus sa piling ng pamilya dahil sa kanyang misyon, ang Panginoon ay laging kaugnay ng puso ng mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.
Ngayong Pasko, sino kaya ang nami-miss mo, ng pamilya ninyo? Ipagdasal natin sila, alalahanin, yakapin kahit sa puso lamang. Hilingin natin sa Panginoong Hesus na ipadama niya sa kanila ang ating pagmamahal kahit sa espirituwal na paraan; na siya ang maging tulay sa ating pangungulila sa tulong ng ating mga dasal at magandang hangarin.
PANALANGIN KUNG NANGUNGULILA PARA SA ISANG TAONG MINAMAHAL
Nilikha mo po, Panginoon,
ang aming puso para sa pagkakaisa
Subalit dahil sa layo ng lugar at panahon
At sa nagbabagong pangyayari ng buhay
Minsan ang pagkakaisa ay nababasag
O hindi kumpleto o ganap.
Kaya nga, sa panahong ito ng Pasko
Nadarama ko ang pangungulila sa aking
Mahal sa buhay na si/ sina __________
(banggitin ang pangalan ng tao/ mga tao).
Tunay nga po Panginoon,
Na tama at mabuti lamang na mangulila
Para sa minamahal na hindi ko kasama ngayon.
Turuan mo po akong magmahal kahit malayo siya.
Pinupuri kita maging sa gitna ng kalungkutan ko.
Pinupuri kita dahil alam kong
Ang mapait na damdaming ito
Ay tanda ng malalim na ugnayan
Na mula sa Iyo.
Gamitin mo po ang aking pangungulila
Upang gawin akong lalong tulad
Ni Kristo sa pagmamahal at pagmamalasakit. Amen.
MALIGAYANG PASKO PO SA LAHAT!