Home » Blog » KAPISTAHAN NG EPIFANIA/ PAGBUBUNYAG NG PANGINOON K

KAPISTAHAN NG EPIFANIA/ PAGBUBUNYAG NG PANGINOON K

 

REGALONG HINDI MABIBILI

MT. 2: 1-12

 


 

 

Hanga ako sa bagong movement na tinatawag na “minimalism.” Bago mag-Pasko mayroon silang post na ganito: Habang tumatanda, ang listahan ng Pasko ay umiigsi. Nauunawaan nating ang tunay nating nais pala ay hindi mabibili. Hindi pala ito materyal na bagay lamang.

 

Sa panahong ng Kapaskuhan, tutok tayo sa pagbibigay at pagtanggap ng regalo. May mga masayang magbigay kaysa tumanggap. May mga nagbibigay para tumanggap naman. Minsan masakit kung matapos magbigay ng marami, halos wala kang natanggap na kapalit.

 

Totoo nga, ayon sa Mabuting Balita, na may taglay na regalong mamahalin at mahalaga ang mga Pantas para sa Banal na Sanggol. Subalit tila ito ay mga simbolo lamang ng mas malalim nilang handog. Iyong iwan nila ang mga tahanan para sundan ang tala, maglakbay sa malayo at mapanganib na daan, at makipagbuno sa hunghang na si Herodes, ang mga ito ang tunay na regalong sinasagisag ng kanilang mga baon sa Belen. Regalong tagos sa puso.

 

Subalit hindi yata totoong ang mga Pantas ang unang nagpa-uso ng regaluhan sa Pasko. Ang salitang Epifania – pagbubunyag – ay nagsasaad na ang Diyos ang unang nag-regalo. Regalo niya ang pagbubunyag ng kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng kanyang Anak. Regalo niya ang pagbabago ng kasaysayan ng tao bilang kasaysayan ng kabanalan dahil hindi lamang tayo hinipo ng Diyos, kundi nakipamuhay, nakipamayan pa siya sa ating mga tao.

 

Sa pamamagitan ni Hesus, ang buhay na walang hanggan ay nakapasok sa pang-araw araw nating buhay at kaya nga ang ating karaniwang buhay ay susi ngayon ng pakikibahagi sa galak at kapayapaan ng Diyos mismo.

 

Iba ang family reunion naming magpipinsan ngayong taon. Sa halip na pagtitipon sa kainan, kuwentuhan at kasayahan, napagpasyahan nilang magdalang biyaya sa mga dukhang nakapalibot sa pamayanan. Isang daang mga bata mula sa mga mahihirap na pamilya ang pinakain, pinaglingkuran, inaliw at pinabaunan ng mga bagay na maaari nilang ibahagi sa kanilang mga pamilya.

 

Kung ang tingin natin sa Pasko ay pagpapasaya sa sarili (kahit hindi naman ito masama) lamang o ang makuha ang gustong bilhin o kolektahin, hindi pa umuusad ang ating pananaw. Subalit kapag ang Pasko ay naging isang pagtulad sa kabutihan ng Diyos, sa pagbibigay ni Hesus, natanggap na natin ang regalong natanggap din ng mga Pantas na dumalaw sa Panginoon. Natagpuan natin ang tunay na kagalakan at kapayapaan sa pagiging kasangkapan ng Diyos sa paglaganap ng langit dito sa maliit nating kinatatayuang lupa.

 

MALIGAYANG PASKO PO SA LAHAT!