Home » Blog » PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON 2021

PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON 2021

 

ANG BAKA AT ANG ASNO SA PASKO

Lk 2; 1-14

 

 


fritz eichenberg photo

 

Nagtataka ka ba kung bakit laging may baka at asno (maliit na kabayo) sa Belen tuwing Pasko? Siyempre meron ding ibang hayop doon tulad ng tupa na sumunod tiyak sa mga pastol at kamelyo na siyang sasakyan ng tatlong hari. Pero ang baka at asno ay hindi simpleng palamuti lamang sa Belen. Sila ay naroroon bilang tanda ng isang pahayag ng Bibliya.

 

Sabi sa Isaias 1:3: “Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon, at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo; ngunit hindi ako nakikilala ng Israel, hindi ako nauunawaan ng aking bayan.” Nakamamangha ang katapatan ng mga hayop sa kanilang amo, o tawag nating ngayon, mga taong-magulang. Naaalala ko ang aking mga aso na tila nakakita ng artista tuwing darating ako. Nakagugulat din naman na ang mga tao, na may pag-iisip at pang-unawa, madalas hindi makilala at maparangalan ang tunay nilang Panginoon at Lumikha.

 

Sa Mabuting Balita, ilan lamang ba ang tumibok ang puso sa pagkatagpo at pagkakita sa bagong silang na Sanggol? Nariyan si Maria, ang pinakadakilang handog ng daigdig sa Diyos, na tumanggap kay Hesus sa kanyang puso, nagdala sa kanya sa sinapupunan, at nag-aruga sa kanya sa kanyang dibdib. Nandoon din si Jose, kumakatawan sa mga katangiang higit na kinalulugdan ng Diyos – katahimikan, pagpapasya, pagsunod at paglilingkod. Dumating din ang mga pastol, upang ipakita sa ating ang simpleng pananampalataya ay nakakaakit ng pansin at habag ng Ama sa langit.

 

Para sa marami ngayon, kahit sa gitna ng pandemya, ang tunay na kahulugan ng Pasko ay natatabunan ng mga kainan at inuman, pamimili at pagliliwaliw. Walang masamang magsaya at makiugnay sa kapwa. Subalit sa araw na ito at sa panahong ito, una ba nating naaalala ang ating Diyos? Nakikilala ba natin ang Sanggol na isinilang sa sabsaban? Sinasariwa ba natin ang pagmamahal at katapatan natin sa kanya na dumating para tubusin tayo sa kasalanan?

 

Sa short film na “Angela’s Christmas,” isang batang babae ang naawa sa Baby Jesus sa simbahan kasi tila ang nipis ng damit nito at nagiginaw sa sabsaban. Bumalik siya sa simbahan nang gabi at kinuha ang Baby Jesus para patulugin sa kanilang bahay, sa kanyang simpleng kama. Nagulo ang buong bayan sa paghahanap sa imahen at napilitan si Angela na isauli ito agad. Ang gusto lamang talaga niya ay ipadama ang pagmamahal sa Panginoong Hesus sa araw ng Pasko.

 

Manalangin tayo para sa biyayang maala-ala ang tunay na halaga ng araw na ito. Sa gitna ng pagdriwang, huwag nating kalimutan na kilalanin at tanggapin si Hesus sa ating puso at higit sa lahat sa katauhan ng mga dukha at nagdurusa sa ating paligid. 

 

Maligayang Pasko po sa inyong lahat!

 

At para sa lahat ng apekatado ng bagyong Odette, panalangin at pagdamay: pakinggan po natin ang simpleng awiting ito… God bless you!