IKA-APAT NA LINGGO KARANIWANG PANAHON K
SANDALI, MERON PA!
LK. 4: 21-30
Habang binabalikan kong basahin ang Lumang Tipan, naunawaan ko kung bakit talagang bayani ng mga Hudyo ang mga propetang sina Elias at Eliseo. Kasi naman, kahanga-hanga ang mga himala ng Diyos sa pamamagitan nila. Tingnan na lamang si Elias na bumuhay ng namatay na anak ng isang biyuda (binabanggit ito ni Hesus sa ebanghelyo ngayon), tumawag ng apoy mula sa langit, at naghati ng tubig ng ilog Jordan, at marami pang kababalaghan.
Si Eliseo naman, na nagmana ng espiritu ng kanyang amo na si Elias, nagpagaling ng ketonging pinuno ng mga sundalo (naalala din ito ni Hesus), nag-predict ng pagsilang ng isang sanggol at nang ang batang ito ay mamatay binuhay din niya ito, nagpakain ng isangdaang tao sa pamamagitan ng ilang tinapay, at marami pang ibang himala!
Bagamat napahanga ang mga tao, hirap silang tanggapin na may higit na kakaiba kay Hesus. Hindi ba karpintero lang iyan na “anak ni Jose?” Paano siya magiging katuparan ng mga Kasulatan? Oo nga at mapaghimala siya at magaling mangaral, pero hindi naman siguro siya higit pa kay idol Elias at idol Eliseo nila. Dahil dito, ipinamukha ng Panginoong Hesus sa kanila na mas madali pang maniwala ang mga dayuhan kaysa sariling kababayan ng mga propeta.
Kung binigyan lang nila ng pagkakataong titigan muli si Hesus, malamang nakita nilang may nakatago ngang kadakilaan ito. Bumuhay din si Hesus ng mga patay subalit higit pa doon, siya mismo ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay. Nagpagaling si Hesus ng mga maysakit, subalit siya mismo ang Tagahilom ng lahat ng luma at sira sa daigdig na ito. Kay Hesus, ang Ama ay kumikilos at nagpapahayag ng kanyang sarili sa kanyang bayan.
Kaydaling mawaglit sa atin ang halaga ng mga tao dahil sa ating mababaw na pagtingin sa kanila, na udyok ng ating maling pagkilatis. Agad nating aprubado ang taong ating gusto, at agad namang inaayawan ang mga taong hindi ayon sa ating inaasahan. Ano ang resulta? Mas higit na paghahati-hati ng mundo at ang pagkasayang ng regalong ng pagkatao na maihahandog sana ng iba sa ating pamilya, pamayanan, paaralan o trabaho. Dahil kulang ang pagsisikap nating kilalanin ang buti ng iba, nababaon tayo sa kabulagan at kamangmangan. Minsan, nalalampasan natin ang hinihintay nating pagkakataon sa buhay!
Ngayong Linggo, magandang pagnilayan ang ating ugnayan sa Panginoon. Sino ba siya sa atin? Mas higit ba natin siyang kinikilala sa kanyang Salita, mga sakramento, sa katahimikan ng panalangin at pansariling pag-aaral ng ating pananampalataya? At sa kapwa naman: minamasdan ba natin sila na may bukas na isip at puso, pagtanggap at pagkilala? Meron pa tayong higit na mahahalukay sa kilos at salita ni Hesus. May higit na kabutihan pang nakatago sa pagkatao ng kapwang nakapaligid sa atin.