PAGBIBINYAG SA PANGINOON K
MGA ANAK TAYONG LAHAT
LK 3: 15-16, 21-22
Enjoy ka ba sa social media? Sabi ng research maraming nade-depress dahil sa social media. Pagkatapos daw gumamit ng Tiktok o Snapchat, bagsak ang diwa ng maraming tao. Pagkatapos daw mag-browse sa Facebook, mabigat ang puso ng maraming gumagamit nito.
Bakit ganoon? Kasi sa social media naka-post ang akala mo masaya, kuntento, at makulay na buhay ng mga tao. Perpekto ang mag-asawa at mga pamilyang nagtatawanan, nagta-travel, nagka-kainan, at super close sa isa’t-isa. At ang mga nakakakita nito ay nagsisimulang mainggit, manghinayang at mag-asam na sana ganito din ang kanilang buhay. Sana all! Dagdag pa dito, ang social media ay punlaan ng matinding galit, poot, at away ng mga taong hindi naman magkakakilala. Lahat ito nakaka-apekto sa ating maging negatibo.
Sa pagdiriwang ng Pagbibinyag sa Panginoon, si Hesus ay puspos ng ligaya sa pagiging Anak ng kanyang Ama. Puno ng katatagan at kagalakan ang Panginoon dahil sa pagkilala sa kanya ng Isang tunay na nagmamahal at nagpapahalaga. Hindi siya karaniwang guro, propeta o manggagamot. Siya ang “pinakamamahal na Anak” ng Ama, at siya ang tunay na “kinalulugdan” ng Ama.
Bihira natin marinig at lalong bihirang isipin ito. Subalit ang tunay na katotohanan ng ating buhay ay mga anak tayo ng Diyos. Opo, bawat isa sa atin nilikha at ninais ng Diyos bilang anak. Kung tulad ni Hesus, mulat tayo na anak tayo ng Diyos, lagi natin siyang sasambahin at pupurihin. Kung kumbinsido tayong anak nga tayo, iaalay natin lahat ng isipin at gawain, sa ating pang-araw araw na buhay, sa kanya na laging nagagalak sa anumang kaya nating ihandog.
Tulad ni Hesus, tayo ay bininyagan din. At dahil sa binyag, magpakailanman tayong kaugnay ng Diyos na ating Ama, ni Hesus na ating Kapatid, at ng Espiritu Santong ating Gabay at Kaibigan. Higit sa lahat ng panahon, ngayon natin kailangang maalala at maunawaan ang katotohanang ito, dahil sa dami ng mga bagay, pangyayari at tao na naglalayo sa atin sa kamulatang ito sa paligid natin.
Marahil pictures at videos lang ang ala-ala ng ating binyag noon. At wala tayong maalalang damdamin kaugnay ng araw na iyon. Subalit sa pagbabalik natin sa karaniwang panahon, paalala sa atin na kaugnay tayo ng Diyos. Para sa Diyos, tayo ay mahalaga, tayo ay karapat-dapat mahalin at lingapin. Nawa maalala natin na anak tayo ng Diyos sa tuwing matutukso tayo na mahulog sa kalumbayan o kalungkutan. Huwag sa social media maghanap ng katatagan ng loob, kundi sa Diyos na patuloy na tumatawag sa ating manahan sa kanyang pagmamahal.