IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
ANG LANDAS NG MAPALAD
Sa mabuting balita ngayon, ang Panginoong Hesus lamang ang tanging nagpapakilala sa atin ng sarili bilang dukha, gutom, nagdurusa, at itinakwil. Hindi lamang niya itinuturo ang landas ng pagiging mapalad. Siya mismo ang larawan ng Taong Mapalad. Para makilala si Hesus dapat masdan siya sa salamin ng kanyang mga aral sa mabuting balita ngayon.
Minamahal na Anak ng Diyos, pero hindi maluho. Hari ng sanlibutan pero walang ginhawa. Panginoon at Tagapagligtas pero salat sa materyal o pinansyal na yaman. Pinili ni Hesus na maging kapiling ng mga nagdurusa at lumuluha. Pati ang sariling buhay niya ay nagwakas sa pagtalikod ng mga kaibigan at sa pagkondena ng mga kaaway. Habang pahapyaw niyang inilalarawan kung sino siya sa tulong ng mga “Beatitudes,” gayundin naman, tahasan niya tayong inaanyayahan na sundin ang kanyang mga yapak.
May mga tao ngayon na nakakatuklas ng mga gintong aral na ito ng Panginoon, kahit hindi sa larangan ng relihyon kundi sa larangan ng pagkamakatao at pakikipag-kapwa tao. Marami na ang nagsasabuhay ng “minimalism” – simpleng buhay na umiiwas sa aksaya ng mga bagay. Mula nang pandemya, naging sensitibo ang mga tao sa gutom, hindi lamang ng sariling sikmura, kundi ng kanila ding kapwa. Merong mga naging mas maaalalahanin at mapagkalinga sa mga dumaranas ng karahasan at mga trahedya. At sa gitna ng mga gobyernong kurakot at korap, maraming tao ang nagigising upang labanan ang kasinungalingan, manipulasyon, at kataksilan sa taong bayan.
Maaaring ang mga kilos na ito ay hindi tahasang sagot sa mabuting balita, subalit malapit naman ito sa paanyaya ng Panginoon na masdan ang mundo at ang sarili sa ibang paraan, sa bagong paraan. May mga taong madaling maakit kay Hesus sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang kalooban at halimbawa. Pero maraming tao ang sadyang hindi relihyoso. At bagamat ganun sila, hindi maikakaila na ginagamit pa rin ng Diyos ang ibang paraan upang akayin ang mga taong ito tungo sa pagtupad sa kanyang hamon.
Ngayong linggo, muli tayong makinig kay Hesus na nagtuturo ng kanyang landas at humahamon na yakapin ang kanyang mga aral, mga pagpapahalaga, at maging ang kanyang pagkatao. Nawa ang ating bagong pakikipagtagpo sa tunay na Taong Mapalad ay maging inspirasyon na kilalanin at tularan siya dahan dahan man sa ating buhay.