Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA K

IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA K

 

ANG ULAP

LK 9:28-36

 


 

 

Ang tagpo ng Pagbabagong-anyo ni Hesus ay mainam na pagtatanghal ng Santissima Trinidad – Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, iisang Diyos sa tatlong Persona. Si Hesus, ang Anak, ang tampok sa kaganapan. Ang Ama naman ay nagsalita mula sa langit. At nasaan ang Espiritu Santo? Sabi ng ilang eksperto, ang “ulap” na bumalot sa mga alagad ang presensya ng Espiritu ng Diyos.

 

Namangha ang mga alagad sa pagbabagong-anyo ng Panginoon at nagsimulang magsalita si Pedro. Subalit nang bumaba ang ulap, natakot ang mga alagad. Bakit kaya? Ano ba ang pakiramdam na mapasaloob sa ulap? Noong bata tayo akala natin kaya nating hawakan ang ulap kung makakalipad lang tayo. At kapag nakasakay tayo ng eroplano, balak natin salukin ito at kainin na parang cotton candy.

 

Para sa mga inabutan na ng ulap sa itaas ng bundok, kakaiba ang karanasang ito. Napapaligiran ka ng malabo at puting hamog. Halos wala kang makita pero dama mo ang lamig ng hangin at tubig na dala ng ulap. Para kang nilamon ng isang magaan at nakakapagpapalakas na hamog sa umaga.

 

Sa pagbabalita ng Anghel Gabriel sa Mahal na Birhen, nandoon na ang Espiritu Santo na nagbago sa buhay ni Maria. Sa Pagbabagong-anyo ni Hesus, bumaba muli ang Espiritu sa bundok at ngayon ay sa mga alagad naman, bilang tanda na magbabago din ang kanilang buhay. Ang karanasan ni Hesus ay magiging karanasan din nila kung papayagan nila itong maganap sa kanila.

 

Si Hesus, sa panulat ni San Lukas, ay laging kaulayaw, kapiling ng Espiritu Santo. Mula paglilihi, pagbibinyag, paglilingkod, at hanggang kamatayan sa krus, naroon ang Espiritu Santo. Kahit na si Hesus ay Diyos, kailangan pa rin niyang tanggapin ang Espiritu nang paulit-ulit sa kanyang buhay. Isang halimbawa ang ibinibigay niya sa atin dito. Nag-aanyaya ang Panginoon na makatagpo din natin ang Espiritu upang magkaroon ng malalim at pangmatagalang pagbabagong-anyo din ng ating mga puso.

 

Pabayaan nating danasin na palibutan ng ulap, ng Espiritu, ng Diyos. Iwaglit ang takot na humahadlang sa ating pakikipagtagpo sa Espiritu na kumakatok sa ating puso. Ngayong Kuwaresma, hilingin natin sa Espiritu Santo na baguhin tayo upang matapos ang panalangin at sakripisyo, maging mga bago at mas malalakas na mga kapatid tayo ni Hesus. Noong nakaraang Linggo, tinawag tayong manangan sa Salita ng Diyos. Ngayong Linggo naman, inaanyayahan tayong maranasan ang Espiritu ng Panginoon.