Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY K

IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY K

 

KASAMA NATIN SA MISTERYO

Jn 21: 1-19

 

fr tam nguyen’s photo
 

Nang banggain ng lasing na driver ang kotse ni Katie, naipit siya sa pagitan ng upuan at manibela. Habang nagdurusa, humiling siya sa mga rescuers niya na ipagdasal din siya. Biglang may lumapit na pari at ipinagdasal, pinahiran ng langis at kinumpisal si Katie. Pagkatapos, tila naglahong parang bula ang pari habang si Katie naman ay matagumpay na naihatid sa ospital. Nagtaka ang mga tao sa inakalang misteryo at inisip na anghel ang pari na sumaklolo.

 

May mga pagkakataong nagsasabi ang mga tao ng kanilang karanasan ng pagdalaw ng Diyos sa gitna ng kanilang pangangailangan. Hindi ibig sabihin na personal dumating ang Diyos kundi sa pamamagitan ng mga tao, bagay o pangyayari na nakatulong sa kanila sa sandaling iyon.

 

Kita natin sa mabuting balita ngayon ang tensyong nadama ng mga alagad matapos ang Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Sa isang banda, hindi siya agad nakilala pero tila alam nilang ito na nga siya. Nais nilang tanungin siya pero sa puso nila alam na nila ang sagot na “Ito ang Panginoon!”

 

Ang mabuting balita ng Pagkabuhay ay hindi ang “pagbabalik” ni Hesus kundi ang kanyang “pagpapakita.” Kung bumalik lamang siya mula sa libingan, itutuloy lang niya ang naudlot niyang gawain. Subalit nabuhay siya mula sa kamatayan, hindi para bumalik sa buhay-lupa kundi upang magsimula ang bagong presensya; ang bagong paraan ng pagiging kapiling ng kanyang bayan sa misteryo o hiwaga.

 

Kaya nga sinasabi natin na kapiling natin si Hesus magpahanggang ngayon. Hindi nakikita ng mata o nahihipo ng kamay subalit narito sa bawat pagtanggap ng kanyang Katawan sa Komunyon at ng kanyang pagpapatawad sa kumpisal. Narito siya tuwing magtitipon para sa pag-aaral ng kanyang Salita at sa tuwing kakalingain natin ang kapwang naghihirap, maysakit o mahina. Kapiling natin siya tuwing magdarasal, sa simbahan, adoration chapel, sasakyan, o sa silid ng ating bahay.

 

Tunay at mahiwaga ang presensya ni Hesus sa ating pagsamba at sa ating puso. Hindi pinili ng Panginoon na magbalik sa mga lansangan ng Herusalem dahil kahit gawin niya ito hindi niya makukuha ang puso ng mga kaaway. Sa halip, nagpakita siya sa mga taong mas tiyak siyang madarama sa mga sandali ng kanilang buhay, ito may ay simple, madrama o kritikal na sandali. Sa linggong ito, tanungin natin ang sarili: kailan mo huling nadama ang presensya ng Panginoon?; kelan siya huling nagpakita sa iyo na tunay, makapangyarihan at puno ng hiwaga o misteryo?