LINGGO NG PALASPAS K
BAKIT NARITO ANG HARI NG LUWALHATI?
LK 19: 28-40
Hindi kakaiba sa Herusalem ang parada ng mga hari. Pumapasok talaga dito ang mga hari upang ipakita ang kanilang kadakilaan. Si David, bago pa naging hari, ay sinalubong na sa lungsod ng mga hiyaw, papuri at sayaw ng mga taong humahanga sa kanya. Tama lamang na ang mga kahalili ni David ay pumasok din sa Herusalem sa gitna ng ganitong pagpaparangal.
Ngayon, saksi tayo sa kakaibang parada… at sa kakaibang hari. Pumapasok si Hesus sa lungsod na walang taglay na kapangyarihan. Nalilibot, hindi ng mga sundalo, kundi ng mga simpleng tagasunod lamang. Nakasakay, hindi sa matikas na kabayo, kundi sa batang asno. Tinatanggap, hindi ng mga dugong bughaw, kundi ng hindi mapigilang madla na kinabibilangan ng mga bata, dukha, maysakit, kababaihan at iba pang mga tao na kinaiinisan ng mga Pariseo.
Pumapasok ang mga hari sa lungsod para angkinin ang trono at sakupin ang mga tao. Hinihingi nila ang katapatan at suporta ng mga ito. Nangangako sila ng proteksyon kung isusuko ang mga kalalakihan para maging mga sundalo. Magbibigay sila ng pagkain basta magbayad lamang ng buwis ang lahat. Handog nila ay kapayapaan subalit dapat sundin ang bawat isa nilang batas.
Pumapasok si Hesus sa lungsod hindi upang humingi kundi upang magbigay. Hindi upang mangako kundi magbigay katuparan. Hindi upang maupo sa trono kundi sa puso ng mga tao. Sa Herusalem, ipagdiriwang ni Hesus ang Hapunan na magiging tanda ng dakila niyang pagmamahal sa tanan. Doon isusuko niya ang sarili sa pagdakip, pagtakwil, pagparusa at pagpatay sa kanya. Sa labas ng lungsod, yayakapin niya ang pinakatatakutan ng lahat – pangungulila, kahihiyan, at kamatayan. Sa Kalbaryo, pakakawalan niya ang kapangyarihan ng kanyang pagmamahal!
Kay daming mga tao ngayon na naghihintay sa pagdadaan ni Hesus, sa tahimik at simple nilang buhay. Mga maysakit na ang hiling lamang ay hipuin sila ng mapagpagaling niyang mga kamay. Mga may taning ang buhay na ang dalangin ay kunin niya sila nang payapa at wala nang kirot pang madarama. Mga taong umaasa sa basbas ng Diyos sa kanilang mga pangarap, mga pamilya, trabaho o negosyo.
Ngayong mga Mahal na Araw, pumapasok si Hesus, hindi sa Herusalem, kundi sa ating puso. Ibigay natin sa kanya ang ating pansin at panahon. Isakripisyo natin kahit konting sandali upang masaksihan siyang dumarating na simple, mababang-loob at ganap ang pagmamahal. Nawa maging mabiyaya at makahulugan ang inyong mga Mahal na Araw.