PASKO NG PAGKABUHAY K
MAS MATINDI SA KAMATAYAN
JN 20:1-9
Pinaalalahanan ako ng isang kaibigan na ang Pebrero 22, 2022 ay masuwerteng araw daw dahil ito ay 2-22-22, na isang “angel number” na ang dala ay kapayapaan, katatagan at positibo. Noon Chinese New Year naman sabi ang “water tiger” daw ang magdudulot ng mga magagandang pagbabago. Siguro handa nga tayong tanggapin at paniwalaan lahat ng maglalayo sa atin sa hirap at sakit ng mga taong ito ng pandemya.
Ngayon naman, tayong mga Kristiyano ang magsasaad ng bukal ng ating pag-asa. Lihis sa mga ma-swerteng numero o zodic, ituturo natin sa buong mundo ang pinagmumulan ng ating kagalakan at pag-asa – ang libingang walang laman! Wala na siya doon! Nabuhay muli si Kristo! Aleluya! Nadaig niya ang krus at ang puntod. Buhay siyang muli upang iligtas tayong lahat sa kamatayan, kasalanan, at kasalatan.
Makapangyarihang aral ang dala ng Panginoong Muling Nabuhay. Isa lamang ang tunay na makapagliligtas; isa lang ang makapagbibigay ng kahulugan sa buhay at mga karanasan. Ito ang “pag-ibig na matindi pa sa kamatayan” (Awit 8: 6-7). Ang pahayag na ito sa Lumang Tipan ay naganap kay Hesus. Inako niya ang hirap dahil sa pagmamahal. Namatay na sambit lamang ay pagmamahal. At bumangon ngayon dahil sa pagmamahal na hindi kayang pigilan ng kamatayan. Ang pag-ibig ng Diyos ang maghahari sa katapusan!
Nasisindak tayo sa kamatayan. Nanlulumo sa karamdaman. Nauupos sa kapanglawan. Nagugupo ng kalamidad. Paano nga ba maliligtas? Sa pandemya nakita nating pati ang kaunlaran at teknolohiya ay kayang lumpuhin ng katiting na virus. Ang pagsubok at paghihirap ay karaniwan, normal at walang pinipiling lahi o antas ng buhay.
Subalit may plano ang Diyos sa simula pa. Isang malaking sorpresa. Noong tingin nating lahat ay susuko na, ipinamalas ng Panginoon ang kapangyarihan ng pagmamahal niya. Sa Pagkabuhay, nakita nating “walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos” (cf Rom 8) na siya lamang magbibigay ng lakas para sa kasalukuyan at pag-asa sa kinabukasan. Sa Pagkabuhay, nalampasan na ng Diyos ang normal, na humahantong sa kamatayan, tungo sa new normal, na hahantong sa totoo, bago at walang hanggang buhay.
Habang tinatanggap natin si Kristong Muling Nabuhay sa ating puso, pasalamatan natin siya sa biyaya ng nakaraang Kuwaresma na nagturo sa atin ng malikhaing pagdurusa. Ipagbunyi natin ang liwanag at kasariwaan ng Pagkabuhay na nagtuturo naman ng pagmamahal na handang humarap sa mga pagsubok. Nawa ang pagmamahal natin ay maging tulad ng sa kanya; nawa maging pag-ibig na matindi pa sa kamatayan.
Aleluya! Maligayang Pasko ng Pagkabuhay ni Kristo!