Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY K

IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY K

 

GUSTO NAMI’Y KAPAYAPAAN

JN 14: 23-29

 


 

 

Ipinagtapat ng isang propesyunal sa kaibigan niyang pari na ligalig siya at kulang sa pagka-kuntento kahit may maayos naman siyang buhay at trabaho. Matapos makinig, simple lang sinabi ng pari: Baka kapayapaan ang kailangan mo? Bakit di mo subukang hingin sa Panginoon ang kapayapaan?

 

Kung may maituturo sa atin ang mga kaganapan ngayon, ito ay ang pagiging marupok ng kapayapaan. Di ba, nagulo ng pandemya ang dati nating buhay? Di ba, hindi pa tapos ang pandemya, nagsimula na naman ang giyera ng mga bansa? Di ba, bukambibig ng mga tao ang mga problema ng pagkabagabag atpagkaligalig ng isip at puso na nararanasan nila? Mailap ang kapayapaan ngayon.

 

Mayaman sa kahulugan ang ebanghelyo ni San Juan. Itinuturo nito ang kaisahan ni Hesus at ng Ama, kaisahan na nagbibigay lakas kay Hesus na magpahayag ng pag-ibig sa mundo. Isinasaad din nito ang Kaloob, ang Regalo na laan ni Hesus para sa ating mga alagad – ang Espiritu Santo. Maliban sa pagpapalakas ng pananampalataya, ang Espiritu ang magdadala ng kapayapaan. “Aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo… huwag kayong mabahala o matakot.”

 

Habang papatapos na ang Easter, inihahanda tayo ng Panginoon na salubungin ang Dakilang Panauhin, ang BFF ng kaluluwa natin, ang Presensyang di magmamaliw – ang Espiritu Santo. Mula sa Ama at sa Anak ang Ikatlong Persona ng IIsang Diyos. Ang Espiritu Santo ang kaulayaw ni Hesus sa buong buhay niya, nagbibigay lakas sa misyon, kapangyarihan na magpabago ng mga pusoo, at kakayahang magpamudmod ng kapayapaan. Ang kapayapaang ito ay hindi lamang walang problema o giyera, hindi makamundong pagkakakunawa. Ang kapayapaang ito ay katiyakan na tayo ay sa Diyos at kapag laging nagtitiwala sa kanya, walang dapat ikatakot pa!

 

Bakit kaya may mga taong sanay na walang kapanatagan? Gusto laging may sama ng loob. Laging umiiwas magpatawad at umunawa. Mas pinipili yung may gulo at pagkakahati-hati. Pero mas marami pa rin ang sumisigaw ng kapayapaan! Ito ang regalong nais nila sa kanilang puso at regalong handa silang ipagkaloob sa kapwa tao.

 

Mahimbing ba ang tulog mo? May bumabagabag ba sa buhay, ugnayan, o anumang aspekto ng buhay mo? Ihanda na muli ang puso sa Kaloob ni Hesus. Buksan muli ang puso sa pagtanggap ng Espiritu ng kapayapaan. Maranasan nawa natin ang kapayapaan sa lahat ng sandali ng buhay. Ugaliin nating dasalin: Halina, Diyos Espiritu Santo!

 

thanks fr tam nguyen, for the photo!