DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD K
DIYOS NG AKING KARANASAN
JN 16: 12-15
Delikadong magsalita tungkol sa Diyos. Nagkakamali ang mga tao. Nauubusan ng paliwanag. Nauuwi sa yabang at sa pakikipagtalo. Ipinipilit ng mga tao ang pang-unawa nila sa isip ng kapwa. Kaya minsan, ang pagsasalita tungkol sa Diyos ay naghahati sa halip na mag-ugnay sa mga taong nais sana ng Diyos na magkaisa, maging pamilya, maging pamayanan niya.
Ang Panginoong Hesus ay hindi nagsalita tungkol sa Diyos sa paraang ginagawa ng mga tao ngayon. Naparito siya na walang dalang listahan ng doktrina, dokumento, katesismo, hadit o manwal. Hindi niya winasak ang pananampalataya at paninindigan ng iba. Hindi siya panatiko o hard-core, sobrang layo niya sa mga sinasabing relihyoso sa panahon ngayon.
Sa pagsulyap sa mabuting balita, si Hesus ay nagkukuwento lamang tungkol sa Amang mapagmahal na may pangarap na kakaibang kaharian sa lupa. Nakikisalamuha siya sa mga makasalanan at nasa laylayan ng lipunan. Tinutumbok niya hindi ang isip kundi ang puso. At iisa ang mensahe niya: pag-ibig ng Ama na umaapaw sa pagpapatawad, habag at kabutihan.
Sa ganitong paraan, ipinakilala niya ang tunay na Diyos. Ama ng Israel, Oo, pero Ama ng lahat ng tao lalo na ng mga dukha. Ang katauhan naman ni Hesus ay maningning na salamin ng Diyos na naging tao, namuhay sa piling ng kanyang mga kapatid sa pag-ibig at kapayapaan. Nag-anyaya si Hesus, sa konting salita at mas maraming kilos, lalo na sa Krus.
Ngayon ipinakikilala niya ang Espiritu Santo. Masdan kung paano niya gawin ito: “Gagabayan niya kayo… magsasalita siya sa inyo… aakayin niya kayo… luluwalhatiin niya ako… siya ang Espiritu ng katotohanan…” Habang nakikinig ang mga tao, nagiging kumpleto ang larawan ng Diyos sa kanila. Salamat kay Hesus, nagliliwanag, nabubuo, tumitibay na ang tunay na larawan ng Diyos: ang Diyos ay Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Nauunawaan mo rin ba ang Diyos sa paraang ganito? O mas maganda, nararanasan mo ba ang Panginoon tulad ng paglalarawan at pagsasabuhay ni Hesus? May ibang yumayakap sa Islam o mga sektang tulad ng Iglesia ni Cristo dahil simple doon: ang Diyos ay isa, period! Pero hindi ito ang kumpletong mensahe ni Hesus, hindi ito ang pagbabalasa niya ng larawan ng Diyos. Ipanalangin nating maunawaan… o mas mahalaga, ipanalangin nating maranasan at makapasok tayo sa ugnayan ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.
Manalangin tayo:
PAG-AALAY NG SARILI SA SANTISSIMA TRINIDAD – San Francisco de Sales
Ipinapangako at iniaalay ko sa Diyos
Ang lahat ng nasa akin:
Ang aking mga ala-ala at kilos sa Diyos Ama;
Ang aking pang-unawa at mga salita sa Diyos Anak;
Ang aking saloobin at mga kaisipan sa Diyos Espiritu Santo.
Iniaalaya ko ang aking puso, katawan
Dila, mga pandama at lahat ng aking pagdurusa
Sa Banal na Katauhan ni HesuKristo
Na nagpaubayang maipagkanulo
Sa kamay ng mga masasamang tao
At magdusa ng pasakit ng Krus para sa akin. Amen.
Salamat sa sharing na ito…