Home » Blog » IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

RADIKAL NA PAGTUGON

LK 9:51-62

 

tnx: fr tam nguyen
 

 

25 taon na pala nang si Richie Fernando, isang Pilipinong seminaristang Heswita, ay nag-alay ng buhay para sa kanyang kapwa sa Cambodia. Sa parangal ng isa niyang kaibigan, sinabi nitong nagtaka siya kung paano nasabi ni Richie sa kanyang ina nang pumasok siya sa seminaryo: “Hindi ninyo na ako anak… Kapag namatay ako, huwag kayong mag-alala sa akin.” Hindi ba malupit naman iyon? Subalit, kung tutuusin, ito ang paraan ni Richie na sabihing “alam na niya kung nasaan ang puso niya… ito ay naroon kay Hesukristo!”

 

Sinasabi sa atin ng Panginoong Hesus ngayon: “Pabayaan ninyong ilibing ng mga patay ang mga patay… huwag kayong lilingon pa… basta sumunod lang kayo sa akin!” At bawat bigkas ay mayroong diwa ng pagmamadali, ng pag-uutos, ng kapangyarihan!

 

Sa panahon ng Pagkabuhay at matapos ito, dumaan tayo sa mga kapistahan – Pentekostes, Santissima Trinidad, Corpus Christi. Tila ba sinasabing kay daming biyaya ng ating buhay. At bakit nga ba umaapaw ang mga ito? Upang palayain tayo. Sabi ni San Pablo: malaya na kayo dahil pinalaya kayo ni Kristo! Bilang mga Kristiyano, tinatawag tayong kumawala sa anumang pagkakatali… kahit ito pa ay pamilya, kung ito ang magsisilbing hadlang sa ating pagsasabi ng “Opo” sa Diyos unang-unang at lagi-lagi!

 

Nang sabihin si San Pablong pinalaya tayo para maging malaya, nais niyang idiin na ang ating kalayaan ay hindi pansamantala, hindi limitado lamang. Tunay tayong malaya kaya hindi na dapat magbalik sa dating ugali o gawi. Naglalakbay na tayo ngayon kasama si Hesus lamang! Tulad ni Richie, dapat ang ating puso ay naroon na kay Hesukristo!

 

Subalit hindi madaling maglaan ng buhay sa Panginoon sa bawat sandali. Ilang beses bang ginawa na natin ito at nadapa tayo muli, nagkamali muli, at nagbalik muli sa ating iniwanan na. Nakakalimot kasi tayo. Nabibingi tayo sa pakikinig sa tawag ng Panginoon sa atin. Nananabik tayo sa mga ibang bagay na akala natin makakasapat sa ating ninanais at inaasam.

 

Sa pamamagitan lamang ng panalangin, ng pagtutuon ng pansin, ng pagpapanariwa araw-araw ng ating pag-aalay ng sarili sa Panginoon – dito tayo tunay na magtatagumpay sa ating malayang pagsunod at pagpili sa Diyos. Ito ang ating ipagdasal na biyaya ngayon… maging malaya para kay Hesus na ating Panginoon!