Home » Blog » IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

BURAHIN ANG KASAKIMAN

LK 12, 13-21

 

 

Totoong buhay po ito! May isang taong nagsikap mabuti para yumaman at naging sobrang yaman niya na 50 taon gulang pa lang siya ay nagpasya na siyang magretiro. Sobra sobra ang kayamanan niya para sa kanyang pamilya sa mahabang panahon. Subalit isang araw, bigla na lamang niyang natanto na ang sobrang yaman ay hindi biyaya, kundi panganib sa kanila. Nagsimula siyang ibahagi ang yaman sa mga mahihirap at nagpasyang mamuhay nang napakasimple subalit napakasayang tao kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.

 

Sa ebanghelyo, kabaligtaran naman. Narito ang larawan ng kasakiman at katakawan. Ang unang halimbawa ay taong namimilit sa kapatid na hatiin na ang kanilang mana. Baka nga hindi ito lang ang pakay niya kundi ang dayain pa ang kapatid sa mamanahin nito. Hindi lang niya minamataan ang kanyang parte. Pati ang bahaging para sa iba ay balak niyang kamkamin din.

 

Ang ikalawang ganid naman ay sobrang yaman na wala nang hahangaring pang iba. Subalit gusto pa niya nang marami. Nagpagawa pa siya ng mga gusali. Nage-enjoy siya sa mabuting buhay na walang pakialam sa kapwang nagdurusa. Ang kanyang ari-arian ang siyang nagmay-ari ng kanyang puso kaya mismo ang Diyos ay nasusuklam sa kanya.

 

Ang kasakiman ay dumarating sa 2 paraan: una, sa paghahangad sa pag-aari ng iba, at ikalawa, sa pagiging panatag sa sariing yaman na walang pakundangan sa kapwa. Hindi plano ng Diyos ang kahirapan at ang pagiging mayaman ay hindi taliwas sa ebanghelyo. Subalit ang Panginoong Hesus ay nagpapa-alalang ang buhay hindi tungkol sa ari-arian. Hindi tungkol sa pansariling kasiyahan. Hindi tungkol sa luho na nagbubuyo na maging manhid sa pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwang nangangailangan.

 

Hangad ng Panginoon na matagpuan natin ang susi ng tunay na payapa at kontentong buhay. At paano nga ba? Maging mapagpasalamat sa anumang nasa iyo. Sa halip na hangarin ang nasa iba, mag-enjoy at palaguin ang iyong mga blessing. Tapos, maging mapagbigay. Sa pagiging bukas-palad, hindi kailangang mayaman. Mas maraming mapagbigay ng oras, kakayahan, at tulong na mula sa mga simpleng taong tulad natin. Lagi ding isipin ang pagkakaroon ng marami ay hindi laging mabuti. Iisa lang ating buhay, isa ang isip, isa ang puso. Kung ang dami mong dakot-dakot, baka sa huli, walang matira sa iyong kinakapitan.

 

Uso ngayon ang tinatawag na “cancel culture.” Iyong inaalis ang mga bagay o tao na hindi nakabubuti sa iyo. Baka ito na ang hinihingi ng Panginoon na i-cancel mo – ang pagiging suwapang, ganid, o sakim. Panahon na para tunay na lumaya!

 

1 Comments