Home » Blog » IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

PAG-IBIG PARA SA LAHAT

LK. 14: 7-14

 


Masdan ang magkakaibang mga santo at kung paano sila nakarating sa langit. Makikita ninyong ang mga apostol ay nakarating doon sa bisa ng pag-ibig, ang mga martir sa kanilang katatagan, ang mga pantas sa kanilang pagninilay, ang mga tagapagpahayag sa kanilang sakripisyo, ang mga birhen sa kanilang kadalisayan, at lahat sila sa bisa ng kababaang-loob. – San Francisco de Sales

 

Isang pinagdiinan ng Panginoong Hesus ay ang aral sa kababaang-loob. Nais niya itong makita sa mga alagad. Ito ang magiging marka ang tunay na tagasunod ni Kristo. Sa mabuting balita, hinihikayat niya silang huwag mag-asam ng mataas na posisyon at umastang importante; huwag “feelingera,” sabi nga ng iba. Bukod pa dito, dapat daw ipakita ang kababaang-loob sa kongkretong pagtulong sa mga dukha at nasa laylayan ng lipunan.

 

Sa simula ng pagbasa, may mahalagang detalye. Hindi nagtuturo si Hesus sa harap ng madla; wala siya sa piling ng pulutong ng mga mahihirap niyang tagahanga na natural nang mababang-loob dahil sa sitwasyon ng buhay nila. Ang Panginoon ay nasa isang magarang bahay ng isang sikat na Pariseo. Mayaman, edukado, iginagalang sa pamayanan ang Pariseong ito. At hindi nagpunta ang Panginoon doon upang mangaral, o magdasal o mag-ayuno kundi upang makikain, makipista, makipagdiwang sa pamilya at mga kaibigan ng Pariseo.

 

Sa ganitong paraan, makikita nating kahit mas mahalaga kay Hesus ang mga dukha, iniaabot niya ang kamay niya sa mga mayayaman, makapangyarihan at maimpluwensya sa bayan. Hindi siya nagpu-puwera sa kanyang puso. Hindi nanghuhusga ng kahinaan ng iba. Hindi niya ibinubukod ang sarili sa mga malayo sa kanyang mensahe. Ang Puso ng Panginoon ay nagsasali ng lahat, yumayakap sa lahat.

 

Sa pamamagitan nito, isinasabuhay ng Panginoon ang kababaang-loob. Hindi niya itinuring ang sarili na mas banal sa mga Pariseo. Hindi siya nagkait sa kanila. Nagpayo siya ukol sa kababaang-loob subalit hindi niya sila itinaboy o itiniwalag sa kanyang pagkakaibigan. Si Hesus ang tunay na pastol, tunay na gabay, nagsasabuhay muna ng kanyang pangaral, nagsasalarawan ng kaniya mismong mensahe. Maging mababang-loob kayo, magpakababa sa pagbubukas ng puso sa lahat dahil lahat ng tao ay dukha naman sa mata ng Diyos at nangangailangan ng kanyang biyaya at habag.

 

Manalangin tayo para sa kababaang-loob at huwag lamang talakayin ito. Magsikap maging mababang-loob sa pakikitungo sa lahat na may katapatan, kagiliwan, at kahinahunan.

 

Iyong nag-aakalang mas banal sila sa iba, sa bandang huli ay matatagpuang walang pinagkaiba sa talamak na makasalanan.