IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MAGING KATIWA-TIWALA
LK.16: 10-13
Ang ebanghelyo ngayon ay may natatanging aral sa atin. Itinatanghal ng Panginoon ang mabuting ugali na “mapagkakatiwalaan.” Sino ba’ng pinagtitiwalaan mo?
Minsan akala natin e, ang mga tao sa paligid natin, dapat agad pagkatiwalaan. Ang mga bata, tiwala sa magulang; ang estudyante, sa titser; ang mamamayan, sa gobyerno; at tayo tiwala sa matalik na kaibigan.
Subalit ano ang batayan? Ano ang pamantayan bago ito ibigay? Sa ebanghelyo, may isang detalyeng binabanggit na batayan ng tiwala – ang malilit, mumunting bagay na ginagawang may tiyaga at pananagutan. Sabi ng Panginoon, kung mapagkakatiwalaan ka sa “mga maliliit na bagay,” tiyak ganun din sa malalaki. Bago tayo magtiwala sa iba, tanungin nga natin ang sarili kung maaari din tayong pagkatiwalaan kaya?
May mga simpleng hakbang ng mabuting pamumuhay. Narito ang pundasyon ng kultura, relihyon at tradisyon na gagabay sa ating pansarili at panlipunang pagkilos. Hindi lahat gustong marinig ito, pero ito ang subok na, ang totoo. Mahirap balewalain ang mga bagay na ito na ipinasa sa atin ng mga nauna na at makatutulong para maiwasan natin ang mundong magulo at walang saysay.
Sa unang pagbasa, paalala ni Amos na bawal mandaya, bawal laruin ang mga mahihirap, bawal linlangin ang kapwang umaasa sa iyo. Ang mapagkakatiwalaan ay hindi lang nabubuhay nang maayos kundi maayos din makisama sa kapwa-tao. Nakakalimutan nating ang maliliit na bagay ang makatitiyak sa ating hindi tayo papalya ng hakbang. Bilang mga Kristiyano, nariyan ang 10 Utos, ang mga aral ng Panginoong Hesus, ang gabay ng simbahan bilang mga unang kailangan sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon.
May munting exercise na ginagawa sa mga bata kung saan bibigyan sila ng kendi. Maaari na nila itong kainin na ngayon, pero kung maghihintay sila ng ilang minuto, dadagdagan pa ito. Hindi lahat ng bata nakapaghihintay, hehe. Upang maging mapagkakatiwalaan, dapat may “disiplina ng puso” hindi lamang panlabas na pagsunod. Ang may taglay nito ang may taglay din ng pagiging masinop, positibo, masikap, at matapat. Sa Sulat sa mga Ebreo, si Hesus ang Tunay na Punong Pari dahil kinilala siya ng Ama bilang karapat-dapat pagtiwalaan.
Sa pagtingin natin sa ating mga salita at gawa araw-araw, masasabi ba nating dapat tayong pagtiwalaan din tulad ng ating Panginoon?